Hindi ininda nina Bea Tan at Brazilian Rupia Inck ang tuluy-tuloy na malakas na ulan at malakas na hangin upang itala ang dalawang sunod na panalo para pangunahan ang unang araw ng Beach Volley Republic Christmas Open sa SM Sands by the Bay.
Lubhang naging sagabal para sa lahat ng kalahok ang pagbagsak ng ulan bagaman hindi nito napigilan ang mainit na aksiyon sa isinagawa pa ring salpukan na tinampukan ng tatlong set na panalo nina Tan at Inck kontra sa nagpakitang gilas na sina Arielle Estrañero at Vina Alinas.
Nagawa ng pareha nina Tan at Inck na ipanalo ang unang set, 21-19, subalit inagaw nina Estrañero at Alinas ang ikalawang set, 19-21, at ipuwersa ang matira-matibay sa ikatlong set. Gayunman, umatake ang matangkad na si Inck sa ikatlong set upang itakas ang 15-6 panalo.
Hindi pa man nanlalamig mula sa tuloy-tuloy na buhos ng ulan bunga ng naging mainitan nitong unang laban, muling nagbalik sa sand court sina Tan at Inck upang agad na talunin ang pares nina Alexa Micek at Charo Soriano sa loob ng dalawang, 21-18 at 21-18.
Nagpakita rin ng kanilang husay sina April Rose Hingpit at Maica Morada matapos nitong talunin ang tambalan nina Rose Cailing at April Romero sa straight set, 21-13 at 21-13.
Sinandigan naman ni Judy Caballejo at Camille Abanto ang matinding ekspiriyensa upang talunin ang pareha nina Mariel Sinamban at Julie Ann Tiangco sa iskor na 21-15 at 21-10.
Hindi din nagpaiwan ang dating miyembro ng beach volley champion mula Adamson na si Bang Pineda kasama si Janine Marciano upang talunin ang tambalan nina Michelle Morente at MichOtoshi, 21-9 at 21-13.
Nauna namang nagwagi ang pares nina Fille Cainglet-Cayetano at Denden Lazaro kontra sa pareha nina Rose Cailing at April Romero sa pinakaunang laro ng torneo, 21-16 at 21-19.
Isasagawa ngayon sa ganap na 2:00 ng hapon ang semifinals bago sundan ng matira-matibay na kampeonato sa ganap na 4:00 ng hapon.
Nakataya ang kabuuang P100,000 premyo sa dalawang araw na torneo na kinukunsiderang kick-off leg ng ninanais isagawa na serye ng torneo sa beach volley sa buong banso. (ANGIE OREDO)