Pinagkalooban ni Manila Mayor Joseph Estrada ng tig-P20,000 allowance ang mahigit 3,000 tauhan ng Manila Police District (MPD).
Ang nabanggit na halaga ay bahagi ng naipong P2,500 allowance kada buwan na ibinigay ng alkalde simula nang maluklok siya sa puwesto.
Ibinigay ito ni Estrada kasabay ng inauguration ng bagong renovate na MPD Headquarters at turn over ng karagdagang 14 na mobile car para sa MPD.
Sa kabuuan, nabatid na umabot na sa P152,317,500 ang naipagkaloob ng alkalde na allowance ng alkalde sa mga pulis-Maynila.
Bilang kapalit, hiniling ng alkalde sa mga pulis na tulungan ang mga mamamayan sa kanilang mga pangangailangan.
“In return…gusto ko namang tulungan n’yo ang lahat ng mamamayan sa kanilang pangangailangan. Kung walang kapayapaan walang mangyayaring pag-unlad. Isa iyan sa mga dahilan kung bakit sinikap kong maibigay ang lahat ng allowance ninyo,” ani Estrada.
Ayon kay Estrada, ibinigay niya ang allowance ng mga pulis sa kabila ng matinding batikos na inabot niya sa mga kawani ng Manila City Hall.
Naniniwala, aniya, siya na higit na kailangan ng mga pulis ang kanyang tulong dahil nahaharap ang mga ito sa iba’t ibang at bahagi na rin umano ng kanyang pasasalamat sa pananatili ng kaayusan at kapayapaan sa lungsod.
Kasabay nito, ipinrisinta naman ng MPD kay Estrada ang mga ipinagbabawal na paputok na nakumpiska ng mga tauhan ng MPD sa isang one-time big-time operation. (Mary Ann Santiago)