TUMAAS ang bilang ng mga pandaigdigang migrante sa 244 na milyon ngayong taon, isang pagtaas na nasa mahigit 40 porsiyento mula noong 2000, matapos na pakilusin ng pangangailangang pang-ekonomiya, pandaigdigang merkado, at pagnanais ng mas mabuting buhay ang mas maraming tao, ayon sa United Nations.
Halos kalahati ng mga migrante sa mundo ay isinilang sa Asia, na pinagmulan ng pinakamaraming migrante—1.7 milyon kada taon—sa nakalipas na 15 taon, kasunod ng Europe, ayon sa isang ulat ng U.N. Department of Economic and Social Affairs.
Dumayo sa Europe ang halos 900,000 refugee at migrante ngayong taon, kalahati sa kanila ay mga Syrian na lumikas mula sa kanilang bayan, sinabi ng U.N. High Commissioner for Refugees sa unang bahagi ng buwang ito.
Walang dudang madadagdagan pa ang bilang ng mga migrante sa iba’t ibang panig ng mundo, dahil na rin sa hindi pagkakapantay-pantay ng mga ekonomiya, mga merkadong pandaigdigan na, at mga taong naghahangad ng mas maginhawang buhay, sinabi ni U.N. Deputy Secretary-General Jan Eliasson nang iprisinta niya ang ulat.
Nanawagan siya para sa mas pinag-ibayong pagsisikap upang protektahan ang mga ito na sumasailalim sa mga mapanganib na paglalakbay sa kanilang pagtakas mula sa kanilang mga tahanan, at mga pagpupursige upang labanan ang pagpupuslit ng mga migrante at human trafficking.
Sinabi rin niyang hindi tama na maging biktima o maging tampulan ng sisi ang mga migrante.
“The many stories of their resilience, strength and heroism are too often eclipsed by xenophobia and pervasive anti-migrant sentiments,” sabi ni Eliasson.
Ang two thirds ng lahat ng pandaigdigang migrante ay nakatira sa 20 bansa lamang, ayon sa report.
Ang pinakamarami, na nasa 47 milyon, ay nakatira sa United States, kasunod ng 12 milyon mula sa Germany, 12 milyon sa Russia, at 10 milyon sa Saudi Arabia, anang ulat.
India ang may pinakamalaking diaspora, na 16 na milyong isinilang doon ang nakatira sa ibang lugar, kasunod ang Mexico, Russia, at China, ayon pa sa ulat. (Thomson Reuters Foundation)