Malaki ang naging epekto ng pananambang na isinagawa umano ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa mga sundalo ng Philippine Army sa pagsasagawa ng relief operations kasama ang ilang kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga nasalanta ng bagyong ‘Nona’ sa iba’t ibang lugar sa Samar.
Sinabi ni DSWD Region 8 Director Nestor B. Ramos sa panayam sa DYVL-Aksyon Radyo, nagdesisyon ang kanilang ahensiya na hindi muna gumamit ng military truck sa pagkarga ng relief items sa kanilang lalawigan upang hindi puntiryahin ng mga rebeldeng komunista.
Ang mga relief goods ay nanggagaling sa bodega ng DSWD sa Tacloban City bago ipamahagi sa mga biktima ng kalamidad.
Nakaranas din, aniya, ng matinding trauma ang mga tauhan ng DSWD na nakaligtas sa pananambang ng NPA at nangangailangan ang mga ito ng counseling.
Dalawang sundalo ang sugatan nang paulanan ng bala ang mahigit 10 military truck na may dala-dalang relief goods sa bisinidad ng Barangay Madalunot, Pinabacdao, Western Samar, dakong 6:00 ng umaga noong Biyernes.
Ayon kay Ramos, malaki ang mababawas sa pondo ng DSWD dahil sa pag-upa ng mga private hauler bilang kapalit ng mga military truck na gagamitin sa relief operations. (Nestor L. Abrematea)