MISTULANG hindi ganun kahirap unawain kung paanong ang ating bansa ay sabay na pinagbabantaan ng baha at tagtuyot.
Katatapos lang tayong salantain ng bagyong ‘Nona’ na nagbuhos ng maraming ulan, winasak ang mga bahay, itinumba ang mga puno at poste ng kuryente, at nagbunsod ng mga pagguho ng lupa at paglikas ng daan-libong katao sa tatlong araw na pananalasa nito sa Visayas. Ngunit habang umiiwas tayo sa malakas na ulan, nagbabala ang United Nations weather agency na ang umiiral na El Nino phenomenon, na nagbubunsod upang mangatuyo ang mga taniman sa maraming bansa at masira ang mga pananim, ay ang pinakamatindi sa nakalipas na 15 taon.
Taun-taong dinadalaw ng mga bagyo ang ating bansa. Nasa daan tayo ng mga bagyong ito na regular na namumuo sa Pasipiko bago kikilos nang kanluran-hilaga-kanluran patungo sa Pilipinas, bago tutumbukin ang pahilaga patungong Japan o pakanluran, tatawid sa ating mga isla, patungo sa Asian mainland.
Nasa 20 sa malalakas na bagyong ito ang nananalasa sa ating mga isla bawat taon at kinasanayan na natin ang mga ito.
Ilang araw bago tumama sa ating mga isla, tumawid ito sa silangang hangganan ng Philippine Area of Responsibility (PAR), kaya naman nabigyan tayo ng sapat na babala tungkol sa kalamidad. Naging eksperto na ang ating weather bureau sa pagtukoy sa dadaanan ng bagyo, nalalaman ang lakas ng hangin, at natataya ang dami ng ulan na ibubuhos ng bagyo.
Simula nang manalasa ang super bagyong ‘Yolanda’ noong 2013, natutuhan din nating maging alerto sa daluyong, o ang paglamon ng karagatan patungo sa kapatagan dahil sa malakas na hangin.
Ang El Nino ay isang kakaibang phenomenon. Hindi ito natural na nangyayari, gaya ng bagyo, bagamat ang El Nino at ang mga bagyo ay parehong nagsisimula sa pusod ng Dagat Pasipiko. Sa El Nino, labis na nag-iinit ang ibabaw ng karagatan at kumakalat ang init na ito sa lahat ng direksiyon—silangan patungo sa South America hanggang sa dulong bahagi ng Africa, pakanluran at patimog sa Pacific islands ng Papua New Guinea, Fiji, Samoa, Indonesia, at Pilipinas.
Nakaapekto na ang tagtuyot sa mga taniman ng mga islang bansa na ito. Ang pananalasa ng mga bagyo sa Pilipinas ay hindi naging sapat upang mapigilan ang pagkatuyo ng mga taniman sa maraming bahagi ng bansa. Matamlay ang produksiyon natin ng bigas at kumilos na ang gobyerno upang matugunan ito sa pamamagitan ng maraming pag-aangkat ng bigas mula sa Vietnam at Thailand ngayong taon hanggang sa susunod pa.
Ang mga phenomenon na ito ng mga bagyo at ng El Nino ay may kaugnayan sa pag-iinit ng mundo dahil sa pagtaas ng carbon emissions mula sa mga pabrika, at bukirin, at mula sa mga eroplano at sasakyan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ito ang dahilan kaya napagkasunduan sa katatapos na Paris Summit conference on climate change na limitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa 2 degrees Celsius above pre-industrial levels.
Ang Pilipinas, higit pa man sa alinmang bansa, ay nahaharap sa matinding banta ng climate change. Katatapos lang manalasa ng bagyong ‘Nona’ at nahaharap pa rin tayo sa tagtuyot na dulot ng El Nino. Posibleng laging nariyan ang mga bagyo, at babahain ang mga natutuyo nang bahagi ng ating mga isla, ngunit umaasa tayo na ang kasunduang nilagdaan sa Paris ay—kahit pa paunti-unti sa mga susunod na dekada—ay makababawas sa matitinding epekto ng mga kalamidad na ito.