“Karamihan sa mga drug pusher ay walang respeto sa batas. Bumabalik sila sa pagtutulak ng droga matapos silang palayain sa kulungan.”

Ganito inilarawan ni Supt. Salvador Desturda Jr. nang muling maaresto ang suspek na si Mar Paragas Calosing, 38, ng Barangay Burgos, Paniqui, Tarlac.

Kasamang naaresto ni Calosing ang kanyang kakutsaba na si Rodolfo Marcolino Dasalla, 36, residente ng Bgy. Poblacion Norte, habang natakas ang isa pa nilang kasamahan sa pagtutulak, ayon sa ulat ng pulisya.

Sinabi ni Desturda na ito na ang ikatlong pagkakataon na naaresto si Calosing dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act matapos matimbog ng dalawang beses noong 2014 dahil din sa nasabing kaso.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sinabi pa ng pulisya na naaresto sina Calosing at Dasalla nang magbenta ng dalawang sachet ng shabu sa isang police agent.

Nabawi rin sa dalawang suspek ang tatlong sachet ng shabu at isang caliber 45 Colt pistol.

Sinabi ni Desturda na kapwa isinalang sa drug test ang dalawang suspek at pareho itong nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga. (Mar T. Supnad)