DIRETSAHANG binanggit ni Ms. Annabelle Rama na kahit sa diwa ng Kapaskuhan ay hindi niya kayang tanggapin ang boyfriend ngayon ng anak niyang si Ruffa Gutierrez.
Aniya, para lang tumahimik ang relasyon nilang mag-ina ay nararamdaman niyang iniiiwas ni Ruffa na makasalubong niya ang boyfriend nito.
“As of now, eh, okey naman kami ni Ruffa,” sey ni Annabelle na hindi nakakalimutang banggitin ang kanyang librong ‘Day Hard (Lakas ng Loob, Kapal ng Mukha) na inilunsad ng ABS-CBN Publishing kamakailan. “Alam naman ni Ruffa na hate na hate ko ‘yung boyfriend niya, kaya maganda ang ginagawa niyang hindi niya ipinapakia sa akin.”
Lagi raw niyang inaaway si Ruffa dahil hindi talaga niya gusto ang boyfriend nitong si Jordan Mouyal. Pero inamin ng dating aktres na dati naman daw ay magaan ang loob niya kay Jordan.
“Dati kasi, proud na proud si Ruffa sa boyfriend, kumakain sa bahay, naaabutan ko nga ‘yung lalaki, okey siya sa akin nu’ng umpisa dahil ang akala ko, eh, isa lang siya sa mga bumibisita kay Ruffa at nagbabakasyon lang dito,” kuwento pa sa amin ni Ms. Annabelle.
Pero nagbago ang kanyang pananaw sa boyfriend ng anak nang lagi-lagi na raw niyang napapansin na kumakain ito sa bahay nila.
“Wala bang pagkain sa bahay nila o wala ba siyang pambili ng sarili niyang makain? Bakit dito na siya kumakain? Doon na nga nag-umpisa ang galit ko sa lalaking ‘yun,” sey pa rin ng asawa ni Eddie Guettierez.
Kaya nga raw nang mapansin ni Ruffa na galit na galit na siya sa boyfriend nito, kusa na lang nitong inilayo ang lalaki.
“Basta magkasama kami o may okasyon ang buong family, eh, wala ‘yung lalaki na ‘yun. Ngayong Pasko, sabi ko kay Ruffa, huwag niyang dalhin ‘yan sa bahay para walang gulong mangyari,” deri-deretsong banggit ni Mrs. Gutierrez.
Samantala, ipinagmamalaki ni Annabelle ang libro niya na tungkol sa kanyang personal na karanasan sa larangan ng pag-ibig. May mga payo rin siya sa babasa sa naturang libro lalo na sa kababaihan na medyo nalilito sa pag-ibig.
“Well, ang anak kong babae na si Ruffa ang naging inspirasyon ko sa librong ‘yan,” banggit pa rin ni Ms. Annabelle Rama. (Jimi Escala)