KAKAIBA pero totoo. Hindi Disyembre 25 ang tunay na petsa ng pagsilang ni Kristo. Mas kakatwa na ang Disyembre 25 ay nagmula sa pista ng mga pagano!
Sa libro ni Fr. Prat na “The Mystery of Christmas”, ang petsa ng pagsilang ni Kristo ay ibinatay ng Simbahang Katoliko sa kapistahang Romano na kaarawan ng Unconquered Sun. Nang mga panahong iyon, napakalakas ng kulto ng araw.
Ang kapistahan ay tumapat sa Disyembre 25, sa panahon ng taglamig, kapag mas mahahaba ang gabi at ang araw, na nahaharangan ng makakapal na ulap, ay mistulang nadadaig.
Kalaunan, namayagpag na ang Kristiyanismo sa mga relihiyon sa Roman Empire, at tinanggap ng Simbahan ang simbolismong ito upang bigyang-diin na si Kristo ay “Unconquered Sun of Justice”, na bumaba sa lupa upang itaboy ang kadiliman sa mundo, na nababalot ng kasalanan at kamangmangan.
Ang Disyembre 25 ay kasagsagan ng matinding taglamig sa Bethlehem at posibleng nanigas sa lamig at namatay ang Sanggol na si Hesus, na nababalot lang ng “swaddling clothes inside a cold cave.” Bukod dito, hindi maaaring lumabas sa parang ang mga pastol kapag taglamig “watching their flock by night.”
Kaya malaki ang posibilidad na hindi Disyembre 25 isinilang si Hesus. Kung gayon, kalian talaga ang Kanyang kaarawan?
Hindi alam ng mga historian ang eksaktong petsa. Posibleng tag-init, tulad ng Abril, Mayo, o tagsibol, Setyembre o Oktubre.
Ang kawalan ng eksaktong petsa ng pagsilang ni Hesus ay hindi nangangahulugang hindi Siya ang Messiah, gaya ng tinukoy ng mga propeta.
Ang pagdating niya sa mundo ay nakasalalay sa Luma at Bagong Tipan.
***
HINDI BINGI SI GOD. Nagdiwang ng Pasko ang dalawang bata sa bahay ng kanilang lolo at lola. Bago matulog, lumuhod ang dalawa at nagdasal. Sinimulan ng nakababata ang kanyang panalangin sa napakalakas na boses, “Sana po magkaroon ako ng bagong bike, bagong iPad, bagong DVD…” Na-distract ang nakakatatandang kapatid at sinaway siya, “Bakit ba pasigaw ka kung magdasal? Hindi naman bingi si God.” Sumagot ang kapatid, “Oo nga, eh si Lola bingi!’
***
Mga baboy ang pinakamalas na nilalang sa Pilipinas sa mga panahong ito. Isinasakripisyo nila ang kanilang buhay para pagpiyestahan sila ng mga tao bilang lechon.
At dahil kabi-kabila ang Christmas party, at umaapaw ang mga pagkain at inumin, marami ang naoospital dahil sa alta-presyon at sakit sa puso.
Tuwa lang ng baboy. Ingat! (Fr. Bel San Luis, SVD)