Pinagkalooban ng National Police Commission (Napolcom) ng karagdagang misyon ang mga gobernador at alkalde sa bansa bilang mga deputy ng komisyon upang magbalangkas ng mga polisiya na magpapalakas sa Community and Service-Oriented Policing (CSOP) system na gagamitin sa pagsugpo sa kriminalidad.

Ayon kay Napolcom Vice Chairman at Executive Officer Eduardo U. Escueta, may awtorisasyon na ang mga local chief executive upang gumamit ng mga mekanismo para makatulong sa pulisya sa pagsusulong ng CSOP.

Kabilang sa kanilang mandato ang pagbabalangkas at pagsusulong ng three-year, term-based Peace and Order and Public Safety Plan, pagtalima sa mga panuntunan ng Department of Interior and Local Government (DILG), at isama ito sa Comprehensive Development Plan ng mga lokal na pamahalaan.

Sila rin ang magpupulong sa Peace and Order Council (POC) kada tatlong buwan o mas madalas pa kung kinakailangan at magsusumite ng semestral accomplishment report sa Regional POC.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“The grant of additional authority to the LCEs on top of their mandated powers and functions is intended to boost local development through a more strengthened tripartite collaboration between the local executives, the police and the community,” pahayag ni Escueta.

Kapag nabigo ang mga lokal na opisyal na tugunan ang kanilang trabaho, ikokonsidera ng Napolcom na hindi sila sumusuporta sa kampanya ng gobyerno sa pagsugpo sa kriminalidad sa bansa.

Ayon kay Escueta, maaaring masuspinde o masibak ang sino mang lokal na opisyal na hindi tatalima sa naturang patakaran ng Napolcom.

Sa ilalim ng Section 51 ng RA 6975, may kapangyarihan ang mga gobernador na pumili ng police provincial director mula sa listahan ng tatlong kuwalipikadong kandidato na inirekomenda para sa posisyon ng PNP regional director.

Awtorisado rin ang mga gobernador na pangasiwaan ang implementasyon ng Provincial Public Safety Plan sa kanilang kapasidad bilang chairman ng Provincial POC. (Czarina Nicole O. Ong)