Magsasama ang dalawa sa mga pinakatanyag na collegiate athlete ngayon sa bansa na sina Kiefer Ravena at Alyssa Valdez ng Ateneo de Manila para sa isang volleyball exhibition game na tinaguriang “FASTBR3AK” na gaganapin sa Disyembre 23 sa San Juan Arena.
Ang pang-kawanggawa na ito ay ikatlong beses ng ginagawa ni Ravena katulong ang kanyang buong pamilya at ilang mga kaibigan na kanilang iaalay para sa mga biktima ng dumaang bagyong Nona na sumalanta sa ilang lugar sa bansa.
Kapwa two-time UAAP MVP, si Ravena sa basketball at si Valdez naman sa volleyball, ang dalawa ay sasamahan ng iba pang mga kilalang volleyball player ng bansa na kinabibilangan nina Gretchen Ho, Denden Lazaro, Michele Gumabao at Charo Soriano sa exhibition match na naghahangad na makalikom ng pondo para maibahagi sa mga nasalanta ni “Nona.”
Magsisimula ang laban ganap na 2:00 ng hapon kung saan pangungunahan nina Ravena at Valdez ang kani-kanilang koponan sa isang best-of-five affair.
“We want to help them in the spirit of Christmas,” ani Ravena, na matagumpay na nakapag-organisa ng kahalintulad na charity event para sa mga naging biktima noon ng mga bagyong Sendong at Yolanda.“We hope they won’t be too devastated by what happened and this is one way of making them happy this Christmas.”
Para sa lahat ng mga gustong manood at makibahagi sa pagtulong sa mga kababayan natin partikular sa bahagi ng Bicol na sinalanta ng nagdaang bagyong Nona, ang mga tiket ay mabibili sa halagang P250 at P500.
Simula bukas-araw ng Lunes ay magsisimula na silang magbenta ng tiket sa Ally’s All-Day Breakfast Place outlets sa Malingap at Holy Spirit Drive sa Quezon City.
Kasama ding maglalaro ang mga dating collegiate star na sina Bang Pineda, Jen Reyes, Ella de Jesus at Sue Roces, kasama ng mga showbiz personalities na sina Yayo Aguila, Arny Ross, IC Mendoza, Miakka Lim at Casey de Silva.
Maging ang butihing ina ni Ravena, ang sportcaster na ngayon na si Mozzy Ravena, dating miyembro ng national team noong dekada 80 ay maglalaro rin kasama ng bunsong anak na si Dani na isa ring high school varsity player sa St. Scholastica’s College.
Mayroon ding mga side event na gagawin kabilang na rito ang pagpapa-raffle ng isang iPhone 6 sa kagandahang loob ng Smart at hula hoop contest kung saan makakalaban ng mga kalahok si Valdez. (Marivic Awitan)