Kinontra ni Senate President Franklin M. Drilon ang pahayag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na dapat ay hayaan ang mamamayan na magdesisyon sa kaso ng diskuwalipikasyon laban kina Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ng leader ng Senado na dapat respetuhin ng publiko ang magiging desisyon ng Comelec sa mga disqualification case na inihain laban sa dalawang kandidato sa pagkapangulo sa 2016 elections upang pangalagaan ang maayos at patas na halalan.
“We have rules which are necessary for an orderly society,” dagdag niya.
“If we just say that we let the people decide, then we might as well throw all the rules out of the window, let’s discard all the rules, and let everybody run,” ayon sa dating kalihim ng Department of Justice (DoJ).
Iginiit ni Drilon na responsibilidad ng Comelec na sundin ang lahat ng batas at regulasyon na may kinalaman sa eleksiyon at dapat na ipatupad ang mga ito ng walang kinikilingan tulad ng nakasaad sa 1987 Constitution.
‘’So if you are saying just let the people decide, precisely there are rules in order that people can rationally decide,” paliwanag ng senador.
Ito ang dahilan, aniya, kung bakit bineberipika ng poll body ang lahat ng certificate of candidacy (CoC) na inihahain ng mga kandidato upang hindi malusutan ng mga nuisance candidate o mga panggulo lang sa halalan.
Kung papayagan ang mamamayan na magdesisyon sa mga kaso, sinabi ni Drilon na hindi magkapagbabalangkas ng tamang desisyon ang Comelec laban sa 125 tinaguriang “nuisance candidate” tulad ng mga CoC na may pangalang “Archangel Lucifer,” “Kuya P,” at “Kapitan Kuryente.” (MARIO CASAYURAN)