Ang debate sa foreign ministry ng China kung paano tutugunan — o kung pansinin pa ba — ang isang kaso sa korte tungkol sa pinagtatalunang South China Sea, ang nagbibigay diin kung paano pinakukumplikado ng tensiyon sa polisiya ang mga pagsisikap ni President Xi Jinping na maipakitang isang responsible power ang bansa.
Binoboykot ng China ang mga arbitration hearing na idinulog ng Pilipinas sa The Hague na dedesisyunan na sa susunod na taon, sinabing hindi nito kinikilala ang jurisdiction ng korte. Umaayon ito sa kanyang approach na harapin ang mga iringan sa state-to-state basis, imbes na sa pamamagitan ng mga korte o international groupings, ngunit ang kanyang pagkawala ay nangangahulugan na walang kontra-argumento sa kaso ng Pilipinas.
Habang may internal discussion kung dapat bang magkaroon ng presensiya nang magsimula ang mga pagdinig noong nakaraang buwan, hindi matiyak ng mga international law experts sa policy makers ang tagumpay sa pagdepensa sa territorial claims ng China, ayon sa dalawang tao na pamilyar sa usapin.
Noong Disyembre 2014, naghain ang China ng position paper na nangangatwiran na ang Philippine submission ay tungkol sa sovereignty dispute at dapat na resolbahin sa labas ng korte, idinagdag na ang China ang may “indisputable sovereignty” bilang “first country to discover, name, explore and exploit the resources” sa lugar. Ibinasura ng Permanent Court of Arbitration ang argumento at itinuring ang papel na “effectively constituting a plea.”
Ngayon, ang kaso ay naging toxic football sa loob ng foreign ministry. Dalawang departamento ang nagbabangayan sa responsibilidad ng paghawak nito ng mahigit isang taon bago ito ipasa sa low-level officials sa foreign policy hierarchy ng China, sinabi ng mga tao na hiniling na huwag pangalanan dahil pribado ang diskusyon.
Ang internal discussions ay nagpapahiwatig na nababahala ang mga opisyal na maikabit sa usapin sakaling manalo ang Pilipinas at mapapahiya an China sa buong mundo.
Ang mga aksyon ng China ay maaaring magdulot ng hindi inaasahang pangyayari. Habang nagtagumpay ito sa pagpapalakas ng kanyang presensiya sa South China Sea, ang pagtatayo nito ng mga isla sa mga bahura sa kabila ng protesta ng United States at ng iba pang bansa, ang mga aksyon nito ay nagtulak din sa mga claimant gaya ng Pilipinas at Vietnam na maging mas malapit sa U.S.
Ang ibang non-claimant countries ay napapalapit din. Nitong buwan pumayag ang Singapore na i-deploy sa city state ang U.S. P-8 surveillance planes para sa mga paglipad nito sa South China Sea. Ang Indonesia, nangangamba na maaaring pasukin ng China ang exclusive economic zone nito sa Natuna Islands, ay pinag-iisipang gumamit ng mga drone at submarine para palakasin ang hawak sa mga tubig na mayaman sa gas.
Sakaling magdesisyon ang arbitration court pabor sa Pilipinas – marahil sa kalagitnaan ng 2016 — mahirap hulaan ang magiging tugon ng China. Maaari itong lumikha ng dagdag na kawalang katiyakan sa mga tubig na dinaranan ng halos 30 porsyento ng kalakal na mundo. (Bloomberg)