CABANATUAN CITY – Ang hindi mapigilang illegal quarrying, mining, at illegal logging sa bayan ng Gabaldon at sa bahagi ng Sierra Madre ang sinisisi sa malawakang pagbaha sa lungsod na ito at mga katabing bayan sa ikatlo at ikaapat na distrito ng probinsya.
Isa ang naiulat na nasawi sa pananalasa ng bagyong ‘Nona’ makaraang malunod si Abraham Lazo, 24, ng Purok Ipil-Ipil, Barangay Panatian, makaraang tangayin ng malakas na agos ng baha nitong Miyerkules ng gabi.
Batay sa ulat, may 62 barangay mula sa kabuuang 89 na barangay sa lungsod ang lumubog sa baha bago pa nailikas ang mga pamilyang naapektuhan ng bagyo sa iba’t ibang evacuation center.
Binaha rin ang mga bayan ng Talavera, Sta. Rosa, San Leonardo, Jaen, San Isidro, Gapan City, Cabiao, San Antonio, Zaragoza, Aliaga, Quezon, Sto. Domingo, Palayan City, Laur, Bongabon, Gabaldon, at lahat ng mabababang lugar na malapit sa mga ilog at sapa. (Light A. Nolasco)