TUWING Pasko o bago sumapit ang Christmas season, maraming bagay ang nagbibigay-kulay at kahulugan sa selebrasyon katulad na lamang ng mga Christmas carol o awiting pamasko. Isa na rito ang ‘Silent Night,’ na madalas at masasabing immortal Christmas carol. Sa gabi, tuwing “ber” months, lalo na pagsapit ng Disyembre, kapag naririnig sa radyo, ang hatid ng malamyos at malumanay na himig nito ay nagpapagunita ng unang Pasko na pagsilang ng Dakilang Mananakop sa Bethlehem. Sa mga nakaririnig nito na may kimkim na galit sa puso ay naghahatid ng kapayapaan. May haplos ng lamig at hinahon sa may poot at nagpupuyos na damdamin. At sa mga taong mapagmataas, palalo at mapang-api, ang ‘Silent Night,’ ay nag-aatas ng kababaang-loob at pagmamahal sa kapwa.
Ang iba pa naman nating kababayan na nakarinig din ng nasabing awitin, ay nagbabalik-tanaw ng mga nakalipas na Pasko. At sa mga ina ng tahanan na may mga anak at mahal sa buhay na nasa ibang bansa, ang himig ng ‘Silent Night,’ ay naghahatid naman ng magkahalong saya at lungkot. Kasunod ang lihim na pagluha sapagkat malayo sila sa kanilang piling at hindi makakasama sa pagdiriwang ng Pasko. Nalulungkot naman ang ibang mga magulang at mga mahihirap nating kababayan sapagkat wala silang pera para bumili ng bagong damit at sapatos kahit sa ukay-ukay at tiangge manlang.
May iba naman na nagsasabi na ang ‘Silent Night,’ ay nakakapagpaalala sa imahen ng Mahal na Birheng Maria, ang bagong silang na Banal na Mananakop at si San Jose nang maganap ang unang Pasko sa Bethlehem.
Ang Christmas carol na ito ay mula sa isang tula sa wikang Alemen na may pamagat na “Stille Nacht, Heiligi Nacht” na sinulat ni Father Joseph Mohr noong 1816. May apat na saknong ang tula. Ang himig nito ay binuo naman ni Franz Xaver Gruber. Ang “Stille Nacth, Heiligi Nacth” ang unang inawit sa bisperas ng Pasko sa St. Nicholas Church sa Obendorf, Austria noong Disyembre 24, 1818. Mula noon, ang nasabing awiting pamasko ay nakilala sa buong daigdig at sinasabing umaabot na sa mahigit na 300 ang salin nito sa iba’t ibang wika sa buong mundo. Ang salin nito sa Ingles mula sa wikang Aleman ng una at ikatlong saknong ay sinulat ni John Freeman Young noong 1863. Si Young ay assistant Episcopal Bishop sa Diocese ng Florida, USA. Ang nagsalin naman ng ikalawa at ikaapat na saknong ng tula ay hindi kilala. Inilathala ni Bishop Young ang kanyang salin sa Ingles ng ‘Silent Night,’ noong 1859.
Maraming kuwento tungkol sa Christmas carol na ito nina Father Joseph Mohr at ng music composer na si Franz Xaver Gruber. May mga nagsasabing mula nang sulatin ni Father Joseph Mohr ang tulang “Stille Nacth, Heiligi Nacth” noong 1816 ay inabot pa ng dalawang taon bago ito tuluyang nalapatan ng musika ng kanyang kaibigan na si Franz Xaver Gruber. Ang tula ay sinulat ni Father Joseph Mohr noong siya’y unang madestino bilang pari sa isang pilgrimage church sa Mariapharr, Austria. (CLEMEN BAUTISTA)