HINIMOK ng isang opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang grupong Moro na nakipagnegosasyon at nakipagkasundo sa administrasyong Aquino para sa pagtatatag ng Bangsamoro Entity sa Mindanao, ang gobyerno na tiyaking ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na nakabimbin sa Kongreso “will not come out different from the original BBL.”
Malinaw na hanggang ngayon ay umaasa ang mga pinuno ng MILF sa inaasahan ng mga ito na ang BBL—na batay sa kasunduan sa MILF ilang buwan na ang nakalilipas, kasama ang peace panel ng administrasyon—ay makalulusot sa Kongreso, sa orihinal na bersiyon nito. Hindi sila handang tanggapin ang anumang pag-amyenda, ang anumang pagbabago sa panukala na orihinal na isinumite ng administrasyong Aquino sa Kongreso.
Sa serye ng pagdinig sa Senado at Kamara, maraming probisyon ng orihinal na BBL ang sinasabing labag sa batas.
Pinalitan ng Senado ang BBL ng isang bagong panukala. Kahit sa Kamara, nag-alinlangan din ang mga kongresista na ipasa ang panukala, hindi sila dumalo sa mga sesyon ng plenary kaya hindi nagkaroon ng quorum sa araw na itinakda ang pagtalakay dito.
Sa isang pulong sa Sultan Kudarat, Maguindanao nitong Sabado, sinisi ng mga pinuno ng MILF ang napakabagal na usad ng BBL sa Kongreso sa (1) “lack of political will” ng administrasyong Aquino at (2) kawalan ng pagkakaisa ng mga opisyal ng Moro National Liberation Front (MNLF), ang organisasyong pinagmulan ng MILF. Partikular na ipinatawag ang pulong upang hikayatin ang mga hiwalay na grupong MNLF na magkaisa, upang makita ng gobyerno na nagkakaisa ang mga Moro leader para suportahan ang BBL.
Gayunman, dapat na maunawaan ng mga nagsusulong sa BBL na hindi maaaring ipasa ang panukala nang hindi naaamyendahan. Ang pagkakaisa ng MNLF at ang buong suporta nito sa MILF, na iginigiit ang orihinal na BBL, ay hindi makapagbabago ng sitwasyon. Maninindigan lamang ang ilan sa kani-kanilang posisyon sa usapin.
Dapat na pagsikapang muling pagharapin ang dalawang panig sa negotiating table. Masyadong kumplikado ang alternatibo para maunawaan.