Kinilala ni Pope Francis ang ikalawang medical miracle na iniugnay sa namayapang si Mother Teresa, nagbibigay daan para sa pinakamamahal na madre na maiakyat sa pagiging santo sa susunod na taon, iniulat ng peryodikong Katoliko na Avvenire noong Huwebes.

Si Mother Teresa, kinikilala sa kanyang mga nagawa sa mahihirap sa lungsod ng Kolkata sa India, ay inaasahang opisyal na ideklarang santo (canonized) sa Rome sa Setyembre 4 bilang bahagi ng Jubilee year of mercy ng papa, ayon kay Stefania Falasca, ang Vatican expert ng pahayagan.

Nangyari ito matapos magtipon ang panel of experts, tatlong araw na ang nakalipas ng Congregation for the Causes of the Saints, at iniugnay kay Mother Teresa ang mahimalang paggaling ng isang lalaking Brazilian na may multiple brain tumor, ulat ng Avvenire.

Si Teresa, isinilang ng mga magulang na Albanian sa ngayon ay Skopje sa Macedonia, ay kilala sa buong mundo dahil sa kanyang mga kawanggawa. Namatay siya noong 1997 sa edad na 87.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Binansagang “Saint of the Gutters”, inialay niya ang kanyang buhay sa mga mahihirap, may sakit at naghihingalo sa mga maralitang pamayanan ng Kolkata, isa sa pinakamalaking lungsod sa India. Nagwagi siya ng Nobel Peace Prize noong 1979.

Idineklara siyang banal (beatified) ni Pope John Paul II sa pinabilis na proseso noong 2003, sa seremonya na dinaluhan ng may 300,000 pilgrim. Ang beatification ay ang unang hakbang tungo sa pagiging santo (sainthood).

Noong 2002, opisyal na kinilala ng Vatican ang milagro na sinasabing ginawa niya matapos pumanaw, ang paggaling noong 1998 ng isang Bengali tribal woman na si Monika Besra sa abdominal tumor.

Ang tradisyunal na canonization procedure ay humihiling ng kahit na dalawang milagro. (Agence France-Presse)