NAGSAGAWA ang militar ng China ng war games sa pinag-aagawang South China Sea ngayong linggo, habang hindi humuhupa ang tensiyon kaugnay ng pagtatayo ng Beijing ng mga isla sa rehiyon.
Iginiit ng China na may soberanya ito sa buong South China Sea, taliwas sa iginigiit ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Taiwan at Brunei.
Nagtalaga ng mga warship, submarines, early warning aircraft at fighter jets sa mga pagsasanay ng militar na isinagawa sa “range of several thousand kilometers”, iniulat ng People’s Liberation Army Daily.
Pinaghiwalay sila sa grupo ng pula at asul na nagsanay sa pag-urong ng mga anti-ship missile attack sa iba’t ibang eksena na kinabibilangan ng isa sa mga aksidenteng pag-atake ng isang third-party commercial ship, dagdag ng ulat.
“Only by experiencing a variety of difficult situations can one not panic in the midst of war and win,” iniulat ng pahayagan na sinabi ni Li Xiaoyan, deputy chief of staff ng South China Sea fleet at commander ng pulang grupo.
Noong nakaraang linggo, sa unang pagkakataon ay nagtalaga ang Amerika ng isang P-8 Poseidon spy plane sa Singapore, at sinabi ng mga lokal na diplomat na ang layunin ng desisyon na magpaabot ng mensahe sa China tungkol sa pasya ng Washington na tutulan ang inilalarawan nitong agresibong polisiyang pang-rehiyon ng Beijing.
Binabatikos ng Amerika ang pagtatayo ng China ng mga artipisyal na isla sa pinag-aagawang karagatan, at nagpalipad ng B-52 bombers at naglayag ng isang guided-missile destroyer malapit sa ilan sa mga konstruksiyon sa nakalipas na mga buwan.
Ginalit ng Washington ang Beijing noong Oktubre nang lumapit ang isang warship ng Amerika malapit sa mga artipisyal na isla na itinatayo ng China para maging base militar nito, sa tinatawag ng Amerika na pagsasanay sa “freedom of navigation”.
Sinabi ng Washington na ang pagbabago ng China sa heograpiya nito sa Spratly Islands ay isang malinaw na banta sa kalayaan sa paglalayag sa kritikal na lugar. (Agencé France Presse)