TULAD ng sinulat namin earlier this year, nakatakda nang mag-retire si Ms. Charo Santos Concio bilang presidente at chief executive officer ng ABS-CBN Corporation.
Ayon sa statement na inilabas kahapon ng Kapamilya Network, opisyal na magreretiro sa December 31 si Charo, ngunit patuloy pa rin siyang manunungkulan bilang chief content officer, presidente ng ABS-CBN University, at executive adviser to the chairman.
Hahalili kay Charo bilang bagong president at CEO si Mr. Carlo Katigbak simula Enero 1, 2016.
Nananatili pa ring Chairman of the Board ng ABS-CBN si Eugenio “Gabby” Lopez III.
Dalawampung taon ang karanasan ni Mr. Katigbak sa financial management at business operations, corporate planning, at general management.
Bago hinirang bilang COO noong Marso 2015, naging Head of Access siya ng ABS-CBN. Pinamunuan at pinangunahan niya ang pagpasok ng ABS-CBN sa iba’t ibang negosyo gaya ng Sky Cable, ABS-CBNmobile, at ABS-CBN TVplus.
Nagsimula siya sa Sky noong 1994, humawak sa iba’t ibang posisyon bago naging VP for provincial operations noong 1998.
Inatasan siya noong 1999 na pangunahan ang Internet business ng ABS-CBN at itinalagang managing director ng ABS-CBN Interactive.
Bumalik siya sa Sky Cable noong 2005, naging COO nito hanggang 2012, at naging pangulo nito noong 2013. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, inilunsad ng Sky ang Digibox, na siyang sumugpo sa mga ilegal na koneksiyon at naghatid sa mga mga manonood ng mas maraming choices sa kanilang subscriptions.
Nagtapos si Mr. Carlo Katigbak ng Management Engineering sa Ateneo de Manila University noong 1991. Kumuha rin siya ng Advanced Management Program sa Harvard Business School noong 2009. (DINDO M. BALARES)