AFP — Arestado ang pinakasikat na modelo sa Israel na si Bar Refaeli at kinuwestiyon kaugnay sa tax evasion sa milyun-milyong dolyar na income mula abroad, ayon sa mga awtoridad ng Israel noong Huwebes.
Pinaghihinalaan din ng mga awtoridad na si Refaeli ay tumatanggap ng benepisyo na “over a million shekels” ($257,000 U.S.) sa pamamagitan ng libreng accommodation sa naglalakihang apartment at sasakyan na hindi niya iniulat, ayon sa Israel’s Tax Authority sa isang panayam.
Inaresto rin ng mga awtoridad maging ang kanyang ina na si Zipora, na may tinatayang unreported income mula abroad at “dozens of millions of shekels”.
Napag-alaman din na sinusuplyan si Refaeli ng libreng Range Rover at Lexus.
Bukod dito, nabunyag din sa undercover investigation ang kontrata ni Refaeli sa management ng isang luxury complex sa Tel Aviv.
Nasabi rin na si Refaeli at kanyang ina ay nakatatanggap ng “celecrity discounts” na dapat ay iniulat bilang income, katulad na lamang ng interior design ng apartment ni Refaeli nang bilhin ito ni Zipora.
Parehong napilitan ang mag-ina na isuko ang kanilang pasaporte at hindi sila maaaring umalis sa Israel nang walang permiso sa loob ng 180 araw.
Wala pang inilalabas na komento ang mga abogado ni Refaeli at kanyang ina.
Matatandaang pinakasalan ni Refaeli ang isang Israeli businessman na si Adi Ezra noong Setyembre.