LEGAZPI CITY, Albay – Apat na mag-aaral sa elementarya ang nalunod at isa ang nawawala sa Tiwi, Albay nitong Huwebes matapos silang lumangoy pagkatapos nilang dumalo sa isang Christmas party.
Sinabi ni Chief Insp. Dennis Balla, hepe ng Tiwi Municipal Police, na ang mga biktima ay estudyante ng Naga Elementary School sa Barangay Naga sa Tiwi, na nag-swimming matapos dumalo sa kanilang Christmas party nitong Huwebes ng umaga.
Aniya, huling nakitang buhay ang mga biktima sa pampang ng Bgy. Naga, dakong 1:00 ng hapon.
“Hindi naman gaanong kalakas ‘yung alon ng dagat, pero siguro dahil sa mga bata pa sila, ‘di nila kinaya ‘yung current,” sabi ni Balla.
Kinilala ang mga biktimang sina Anthony, 10, Grade 4; Mac Rey, 11; Hasley, 14, pawang ng Bgy. Cararayan; at Louie, 9, ng Bgy. Naga, na natagpuang palutang-lutang sa karagatan ng munisipalidad.
Nagsasagawa pa ang awtoridad, katuwang ang mga mangingisda, ng search at rescue operations upang matagpuan si Edcel, 11, na iniulat na nawawala.
“Magpipinsan ‘yung mga biktima, pagkatapos ng kanilang Christmas party sa eskuwelahan ay nag-swimming, pero ‘di na nakabalik,” ani Balla.
Samantala, sinabi ni Albay Gov. Joey Salceda na magkakaloob ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng ayuda sa pamilya ng mga biktima. (Niño N. Luces)