Sa pagtatapos ng mga events para sa first semester, maliit lamang ang kalamangan na naghihiwalay sa defending UAAP general champion University of Sto. Tomas at sa pinakamahigpit nitong karibal na De La Salle sa ginaganap na UAAP Season 78.
Kumulekta ang Tigers at Tigresses ng UST ng kabuuang 155 puntos sa unang pitong sports disciplines kapwa sa men’s at women’s divisions kung saan nagtala sila ng tatlong kampeonato at limang runner-ups.
Naghahangad ng kanilang ika-41 overall championships sa liga, nagdomina ang UST sa taekwondo competition kung saan nagkampeon sila sa men’s division at poomsae event.
Nagkampeon naman ang Tigresses sa women’s judo.
Ngunit sa kabila nito ay dalawang puntos lamang ang kanilang agwat sa La Salle, ang general champion noong Season 75 at 76 matapos makakuha rin ng tatlong championships na kinabibilangan ng kanilang table tennis sweep.
Pumapangatlo naman ang Ateneo de Manila na may 140 puntos na galing sa kanilang napanalunang apat na championships na kinabibilangan ng men’s at women’s swimming, men’s beach volleyball at men’s judo.
Malayo namang pang-apat ang season host University of the Philippines na nagkampeon sa women’s badminton na may 115 puntos.
Ang men’s basketball champion Far Eastern University ay panglima sa natipon nitong 90 puntos.
Ang National University na siya namang kampeon sa women’s basketball at men’s badminton ay nasa ikaanim na puwesto sa natipong 84 puntos kasunod ang University of the East (82)na nasingitan ang UST sa women’s taekwondo habang nasa huli naman ang Adamson University na may 38 puntos. (MARIVIC AWITAN)