Hiniling ng pamilya ng napatay na Pinoy transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude sa Korte Suprema na ipag-utos ang paglipat ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City mula sa kasalukuyang piitan nito sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Sa isang petisyon, hiniling din ng pamilya Laude sa Korte Suprema na itigil ang pagpapatupad ng kasunduan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Correction (BuCor) tungkol sa lugar na roon ikukulong si Pemberton.

Sa ilalim umano ng naturang kasunduan, ikukulong si Pemberton sa Expeditionary Holding Facility sa Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) compound sa Camp Aguinaldo bilang isang “interim extension” ng pasilidad, habang inihahanda ang AFP Custodial Center ang paglilipatan ng Amerikanong sundalo sa loob din ng kampo.

Hinatulan si Pemberton ng Olongapo City Regional Trial Court (RTC) sa kasong homicide na may parusang anim hanggang 12 taong pagkakakulong kaugnay ng pagpatay sa Pinoy transgender.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Bagamat ipinag-utos ng korte na ikulong si Pemberton sa NBP, binago ito base sa umiiral na kasunduan ng Pilipinas at Amerika na ikulong siya sa AFP Custodial Center.

Ayon sa pamilya ng biktima, dapat ideklarang “unconstitutional” ang kasunduan dahil walang statutory authority ang BuCor upang magtalaga ng bagong lugar na pagpipiitan kay Pemberton bukod sa NBP at sa iba pang national penal institution sa bansa. (Rey G. Panaligan)