Hindi pinayagan ng airport authorities ang isang umano’y pamangkin ni dating Sen. Francisco “Kit” Tatad na makasakay ng eroplano patungong Sydney, Australia matapos itong makuhanan ng isang bala sa kanyang handbag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kamakailan.
Base sa report na inilabas ng Aviation Security Unit-National Capital Region, kinilala ang pasahero na si Rosana D. Tatad, 31, residente ng 5751 Tatiana Street, Congressional Model Subdivision, Camarin, Caloocan City.
Hindi pinayagan si Tatad ng airport security na makasakay sa Philippine Airlines flight PR213 na patungong Sydney, Australia matapos makitaan ng isang bala ng . 22 caliber sa kanyang shoulder bag.
Lumitaw sa ulat ng NAIA officials na dumating si Tatad sa NAIA Terminal 2 dakong 8:30 ng umaga noong Disyembre 13 at isinalang ang kanyang mga bagahe at shoulder bag sa x-ray machine bilang bahagi ng security procedure.
Habang dumaraan sa x-ray imaging, naispatan ni Security Screening Officer Anna Margarita Repario ang imahe ng isang bala sa shoulder bag ni Tatad, kaya isinailalim ito sa imbestigasyon.
Nasaksihan din ni SPO1 Allan D. Sonio nang inspeksiyunin ni Repario ang bag ni Tatad, ayon sa ulat.
Itinanggi naman ng pasahero na sa kanya ang bala na natagpuan sa kanyang shoulder bag. (Ariel Fernandez)