ANG International Migrants Day (IMD) ay taunang ginugunita tuwing Disyembre 18 upang bigyang-diin ang mga pagsisikap, kontribusyon, at karapatan ng mga migrante sa mundo. Ang paggunita ngayong araw ay sumisimbolo sa pagtanggap noong 1990, 25 taon na ang nakalilipas, ng United Nations (UN) International Convention on Protection of the Rights of Migrant Workers and Their Families, na naglatag ng mga pandaigdigang panuntunan upang isulong at protektahan ang mga karapatan ng mga migrante.
Ang unang IMD ay idinaos sa Maynila noong Disyembre 18, 1997. Kinikilala ng Pilipinas ang mga manggagawa sa ibang bansa hindi lamang sa paggunita sa IMD tuwing Disyembre 18, kundi sa pagkilala sa Disyembre bilang Buwan ng mga Overseas Filipino, alinsunod sa Proclamation No. 276 noong Hunyo 1988. Kinikilala ng IMD ang milyun-milyong migrante na tumatawid sa mga hangganan sa paghahanap ng mas magandang oportunidad. Tinatanggap din ang kanilang mga kontribusyon sa pag-unlad ng lipunan at ekonomiya at ang kanilang tungkulin sa pagpapasigla sa kultura ng kanilang pinagmulang bansa at ng bansang pinagtatrabahuhan.
Pinangunahan ngayong taon ng International Organization for Migration (IOM) sa Geneva ang unang global candlelight vigil upang alalahanin ang mga migrante at mga refugee na nasawi o nawala sa kasagsagan ng delikadong paglalakbay sa lupa at karagatan. Ang mamamayan sa 156 bansang miyembro ng IOM, kabilang ang Pilipinas, ay hiniling na magsuot ng puting wristband na nasusulatan ng #IamaMigrant, na tema ng 2015 IMD. “The Candlelight vigil symbolizes solidarity with migrants and their families and reminds that for many, migration is often the only silver of light left for millions of people worldwide,” anang IOM.
Saklaw ng post-2015 UN development agenda ang positibong epekto ng global migration, nangakong magsusulong ng isang kongkretong hakbangin upang protektahan ang mga migranteng apektado ng humanitarian crisis, at itataguyod ang pandaigdigang pagtutulungan upang resolbahin ang mga paghamon ng migration sa isang komprehensibong paraan, na may respeto sa karapatang pantao.
Tinukoy ng UN ang migrante bilang “an individual who has resided in a foreign country for more than one year irrespective of the causes, voluntary or involuntary, and the means regular or irregular, used to migrate.” Ang mga kategorya ng migrante ay: Economic migrants, na maaaring legal o irregular, skilled o unskilled, pansamantala o permanente; family migrants, na kumakatawan sa pinakamalaking kategorya ng legal na pagpasok sa pinakamauunlad na estado; at forced migrants.
Tumaas ang bilang ng pandaigdigang migrante, mula sa 175 milyon noong 2000 ay naging 232 milyon noong 2014, 40 porsiyento ng mga ito ay nagmula sa mahihirap na bansa. Kalahati sa kanila ay kababaihan at isa sa sampu ay nasa edad 15. Ang kanilang remittance ay umabot sa $401 billion noong nakaraang taon, ayon sa datos ng UN. Sa ngayon, may mahigit 10 milyong Pilipino na migranteng manggagawa sa mundo; hinahangaan sila sa kanilang kasipagan, kahusayan at pagpupursige, at may mahalaga silang ambag sa kanilang ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang remittances, na pumalo sa $26.93 billion noong 2014.