WALANG dudang nagbibigay ng aliw sa mamamayan ang hamunan at kantyawan sa sampalan o kaya naman ay suntukan ng dalawang kandidato sa pagkapangulo na sina Mar Roxas ng Liberal Party at Mayor Rodrigo Duterte ng PDP-Laban.

Ang palitan ng dalawa ng maaanghang na salita ay naging paksa ng mga balita sa nakalipas na mga araw, na tinatawanan ng mga mambabasa. Sa panahong sinasalanta ang Visayas ng bagyong ‘Nona’ at pinagtatalunan sa Korte Suprema ang pagdiskuwalipika sa isa pang kandidato sa pagkapresidente na si Sen. Grace Poe, nagkaroon ng dahilan ang publiko para ngumiti, dahil sa hamunang Roxas-Duterte.

Paano ito nagsimula? Mistulang kinuwestiyon ni Roxas ang sinasabing ang Davao City na pinamumunuan ni Mayor Duterte ay isa sa mga pinakaligtas na lungsod sa bansa. Dahil dito, kinuwestiyon naman ng alkalde ang katotohanan sa pagkakaroon ni Roxas ng degree sa Wharton College ng University of Pennsylvania, idinagdag na sasampalin niya ang dating kalihim kapag nagkita silang muli. Gumanti naman si Roxas, sinabing mga babae lang ang nagsasampalan—kaya mas mabuting magsuntukan na lang sila.

Kahit ang Commission on Elections (Comelec), sa kabila ng sangkatutak na problemang kinakaharap nito, ay sumali rin sa hamunan. Tumanggi si Comelec Chairman Andres Bautista na magsilbing referee ng dalawang kandidato, ngunit pinayuhan sila: No hitting below the belt.

Nang magseryoso, sinabi niyang ang insidente ay dapat na magbigay sa mga botante ng “holistic view”—isang malawak na pang-unawa—tungkol sa mga kandidato. Karaniwan nang may kani-kanyang opinyon ang mga kandidato tungkol sa iba’t ibang usapin, at metikuloso itong inihanda ng mga political adviser at PR experts. Dahil sa hindi inaasahang batuhan nila ng kantyaw at siraan, nagpakita sina Roxas at Duterte ng ibang mukha nila sa publiko at dapat na makatulong ito sa mga botante sa matalinong pagpili sa eleksiyon, ayon kay Chairman Bautista.

Ngunit sa kabuuan, mas mainam na tutukan na lang ng mga kandidato ang mas mahahalagang usapin, gaya ng patuloy na paghihikahos ng mahihirap at kung paano ito masosolusyunan, ang hindi nagmamaliw na korupsiyon sa gobyerno, ang kawalang katiyakan ng ugnayan ng Pilipinas sa China, at ang kapayapaan at kaayusan sa Mindanao na nasa balag na alanganin ngayon dahil sa usapin sa Bangsamoro Basic Law.

Mayroon tayong limang kandidato sa pagkapresidente—sina Roxas at Duterte na hindi pa matiyak kung kailan matatapos ang hamunan, si Senator Poe na problemado sa kanyang mga kaso ng diskuwalipikasyon, ang scholarly na si Sen. Miriam Defensor-Santiago na kailangang patunayan na wala na siyang problemang medikal, at ang tuluy-tuloy lang sa pangangampanya na si Vice President Jejomar Binay na nanatiling matatag matapos ang mahigit isang taon ng mga akusasyon mula sa tatlong senador at mga pulitiko sa Makati.

Mahigit apat na buwan na lang ang natitira bago ang eleksiyon sa Mayo 9, 2016. Tapusin na natin ang paglilibang sa sagutang Roxas-Duterte at tutukan ang mga tunay na pambansang usapin na kailangang talakayin at tugunan.