Ginapi ng defending women’s champion Arellano University ang Emilio Aguinaldo College habang nakabawi naman sa kanilang di-inaasahang pagkatalo sa kamay ng Lyceum of the Philippines ang reigning men’s champion EAC Generals sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena, kahapon.
Winalis ng Lady Chiefs, sa pamaumuno ni CJ Rosario na umiskor ng 18 puntos, ang Lady Generals, 25-11, 25-7, 25-20 sa namang lopsided match kahapon upang umangat sa barahang 6-1, panalo-talo.
Ang kabiguan ang ikaapat ng Lady Generals kontra sa tatlong tagumpay na nagbaba sa kanila sa ikaanim na posisyon kasunod ng Jose Rizal University na nanaig naman kontra San Beda sa isa pang laro, 25-20, 25-23, 25-10.
Umiskor ng 16 puntos ang magandang spiker ng Lady Bombers na si Maria Shola Alvarez habang nagdagdag naman ng 13 puntos si Rosalie Pepito upang pangunahan ang JRU sa pag-angat sa patas na barahang 3-3, panalo-talo.
Nalaglag naman ang Red Lionesses na pinangunahan ni Nieza Viray na may 12 puntos sa kanilang ikalimang kabiguan sa anim na laban.
Kahit hindi naglaro ang reigning MVP na si Howard Mojica, nakuha pa ring padapain ng Generals ang nakatunggaling Chiefs sa men’s action, 25-22, 22-25, 25-23, 25-21.
Nag-step-up upang punan ang naiwang puwang ni Mojica sina Hariel Doguna, Keith Meliza at Israel Encina na nagsipagtapos na may 19, 18 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Umangat ang Generals sa barahang 6-1, panalo-talo, kasunod ng wala pa ring talong University of Perpetua Help (5-0) habang nanatili sa ika-apat na puwesto ang Arellano hawak ang barahang 4-3, panalo-talo.
Samantala sa juniors division, inagaw naman ng Emilio Aguinaldo College Brigadiers ang ikalawang posisyon sa Arellano Braves matapos nitong talunin ang huli, 25-20, 25-22, 25-23.
Ang panalo ang ikaapat ng Brigadiers na pinangunahan ni Ralph Joshua Pitogo na may 18 puntos sa limang laro habang bumaba naman ang Braves sa barahang 4-2, para sa solong ikatlong puwesto. (MARIVIC AWITAN)