Masisilayan na nang madalas ng publiko ang tambalang Santiago-Marcos na nangangampanya sa buong bansa.
Sinabi ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Miyerkules na plantsado na ang kanyang koalisyon kay Sen. Miriam Defensor-Santiago. At ang kanilang kampanya ay magiging pinaghalong traditional at modern strategy.
“Meron na, meron na. Sen. Miriam has decided to work through her strengths–the studentry, mga bata and on the social media,” sabi ni Marcos sa mamamahayag sa isang panayam.
Sinabi ni Marcos na magpopokus si Santiago sa social media side ng kampanya kung saan siya malakas, katulad ng Facebook at Twitter.
“So that’s where she will concentrate. It is a smart strategy because I’m sure everybody knows by now ang 18-35 years old ngayon sa Pilipinas ay 44.4 percent ng botante. She’s focusing on that,” aniya.
Sinabi ni Marcos na napapansin nila nitong mga nakalipas na halalan ay nababawasan na ang lakas ng mga campaign rally.
“Because the other thing is, the developments dito sa election na ito, yung mga rally ‘di na ganoon ka-importante. It really comes down to going down to the grassroots level. And then of course, advertising, naging very important ang advertising,” giit niya.
Nang tanungin kung kailan sila pormal na makikitang magkasama sa publiko, sinabi ni Marcos na isinasapinal na nila ang kanilang schedule.
“Kapag na-finalize na basically yung aming commitment sa akin, she will hand me her schedule and it’s up to me to kung kailan ako sisipot,” sabi ng senador.
Sa kanyang panig, sinabi ni Marcos na magiging tradisyunal pa rin ang kanyang paraan ng pangangampanya sa pamamagitan ng pagtungo sa mga lugar na sa tingin niya ay kailangan niyang muling bisitahin ang kanyang mga kaalyado, kung saan siya malakas, at kung saan kailangan niyang palakasin ang suporta.
“Ako ang alam ko kailangan puntahan mo yung mga kaibigan mo sa bawat mga lugar, identify the areas na kung saan ka malakas, kung saan pwede ka pang may makuha (na supporters) at kung talagang masyado kang mahina. You prioritize it, so ganun pa din kaya inuna ko ‘yung pagka-announce ko, inuna ko yung pumunta sa (Ilocos) Norte,” aniya.
Gayunman, sinabi niya na ang bagong tampok sa kanilang kampanya ay ang pagbibigay halaga sa impluwensiya ng social media.
“That’s an element, but the rest of it is still the same. You have to talk to people. You have to gain their support. You have to organize, you have to explain your position on certain issues,” ani Marcos. (Hannah Torregoza)