Nanguna si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa presidential survey ng Magdalo Party, na nakalamang lang siya ng kaunting puntos sa pumapangalawang si Senator Grace Poe.
Sa isinagawang survey noong Disyembre 9-11, nakakuha si Duterte ng 31.9 na porsiyentio habang si Poe naman ay 26%, kasunod sina Vice President Jejomar Binay, 23.6%; dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, 13.5%; Senator Miriam Defensor-Santiago, 4%; at dating Ambassador Roy Señeres, 0.1%.
Hindi naman nababahala ang kampo ni Poe, at sinabi ng tagapagsalita ng tambalan nila ni Sen. Francis Escudero na si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na magsisilbing itong hamon sa kanila para higit na pag-ibayuhin ang kanilang kampanya.
Sinabi naman ni Magdalo Party-list Spokesman, Rep. Ashley Acedillo, na diretso ang kanilang tanong sa mga respondent.
Paliwanag ni Acedillo, bumaba ang puntos ni Poe dahil inakala ng mga respondent na hindi na kandidato ang senadora matapos itong idiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec).
Sa mga kandidato sa pagka-bise presidente, nanguna si Senator Francis Escudero na may 28.8%, kasunod sina Senators Alan Peter Cayetano, 16.6%; Ferdinand Marcos, Jr., 22.3%; Rep. Leni Robredo, 11.7%; Sen. Antonio Trillanes IV, 10.6%; at Sen. Gregorio Honasan, walong porsiyento. (LEONEL ABASOLA)