Maaari nang kumandidato sa pagkapangulo sa 2016 elections si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos na kilalanin ng Commission on Elections (Comelec) ang pagiging substitute candidate niya kay Martin Diño bilang standard bearer ng PDP-Laban.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, 6-1 ang naging resulta ng botohan ng en banc pabor kay Duterte.

Matatandaang naging substitute si Duterte ni Diño, na naghain noong Oktubre ng certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo, sa ilalim ng PDP-Laban.

National

Bulkang Kanlaon, halos 2 oras nagbuga ng abo — Phivolcs

Gayunman, umatras si Diño upang magbigay-daan kay Duterte, na puntirya ang pagkapangulo sa 2016.

Pormal namang nagsumite ng kanyang CoC si Duterte bilang substitute kay Diño noong Nobyembre 27.

“This means he is now on our list of candidates,” ayon kay Bautista. “It is an administrative move on the part of Comelec en banc.”

Una nang kinuwestiyon ni Ruben Castor ang validity ng substitution ni Duterte kay Diño dahil ang pinirmahang CoC form ng huli ay para sa pagka-alkalde ng Pasay City, sa halip na sa pagkapangulo.

Nilinaw naman ni Diño na clerical error lang ang nangyari at tinanggap naman ng Comelec ang kanyang COC.

Samantala, tatalakayin naman ng Comelec First Division ngayong Biyernes ang petisyong humihiling na madiskuwalipika sa 2016 presidential polls si Duterte.

Ito ay kahit pa una na nilang idineklara na ang petisyon ay “submitted for resolution” na. (MARY ANN SANTIAGO)