HINDI pala type ni Arjo Atayde ang mahabang biyahe sa eroplano dahil bored na bored siya.
Paalis ang buong pamilya Atayde sa Disyembre 26 patungong Dubai para doon i-celebrate ang Bagong Taon at sa Enero 4 o 5 sila babalik ng Pilipinas. Taun-taon ay sa ibang bansa nagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon ang pamilya Atayde at madalas na hindi nakakasama si Arjo dahil natitiyempong may taping siya.
This year, timing na walang taping ang FPJ’s Ang Probinsiyano kaya makakasama ang anak na matagal nang hindi nakakasama nina Sylvia Sanchez at Art Atayde.
“Pero sa totoo lang, ayoko kasi ng mahabang biyahe, parang nababaliw ako. Okay lang ako sa two to three hours flight, pero ‘pag lumampas na, grabe, nakakapraning.
“Like going to the States, ayoko no’n, especially going to Europe rin, grabe. Dati palakad-lakad ako. Kaya ginagawa ko, umiinom ako ng sleeping pills para tulog ako buong biyahe,” kuwento ni Arjo.
Kaya tuwing aalis ang pamilya nila ay itinatanong agad ng aktor kung ilang araw silang mawawala at kung puwedeng mauna na siyang bumalik ng Pilipinas.
“Kasi tita sayang kung may taping ‘tapos wala pa ako, kaya hangga’t maaari ayaw kong may absent ako kasi nakakahiya rin,” katwiran ng aktor.
Dahil sa dedikasyon sa propesyon, mabibilang na lang sa daliri kung ilang beses siya nakakasama sa out of the country trips ng pamilya nila.
Samantala, Masaya niyang ibinalita na malakas ang itinayo niyang restaurant kasama ang mga kaibigan at pinsan sa D Strip, 20 United St, Pasig na Skinita Street Foodz.
“Actually, tita it’s a bar, inuman and street foods,” sabi ng aktor.
Pero hindi restaurant o kainan ang gusto niyang negosyo kundi buy and sell or import/export/trading tulad ng negosyo ng daddy at lolo niya.
“But when they presented the feasibility studies, and so forth, naengganyo po ako na in a period of time, ROI (return of investment) na then, it’s time for us to put our own franchise. So kung baga itong una, lahat kami. Puro magpipinsan, tito and some friends po ang kasosyo ko,” kuwento ng aktor.
Nabanggit din ng nanay ng binata na lahat ng kinikita ng anak simula nang mag-artista ay nakabangko at hindi puwedeng mag-withdraw ng wala siyang go signal.
Nang banggitin ni Arjo na magnenegosyo siya at sarili niyang pera ang i-invest niya, pinayagan siya ng ina.
Mukhang tagumpay naman ang first venture ni Arjo sa negosyo kaya posible na ang franchise. (Reggee Bonoan)