Sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman ang siyam na opisyal ng Cebu City kaugnay ng umano’y maanomalyang proyekto sa pagpapatayo ng Cebu International Convention Center (CICC) noong 2006.

Ang mga ito ay sina Cebu Provincial Administrator at Bids and Awards Committee (BAC) Chairman Eduardo Habin, Bernard Calderon, Marino Martinquilla, Cristina Giango, Adolfo Quiroga, Necias Vicoy, Jr., Roy Salubre, Emme Gingoyon, at Eulogio Pelayre, pawang miyembro ng BAC.

Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, tinanggal ang mga ito sa reklamong grave misconduct at gross neglect of duty.

Bukod dito, pinagbawalan na rin silang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno at kanselado na rin ang kanilang benepisyo, gayundin ang kanilang eligibility.

National

Kahit nagpapagaling: Doc Willie Ong, pinapanalanging maging maayos na sina PBBM at VP Sara

Sa isinampang reklamo ng Public Assistance and Corruption Prevention Office (PACPO) sa Visayas, tinukoy ng mga ito na noong 2005, iniutos ni dating Pangulong Gloria Arroyo na ang Cebu ang pagdarausan ng 12th ASEAN Summit noong Disyembre 2006.

Ipinasya ng Cebu government na magpatayo ng CICC facility sa tulong ng contractor na WT Construction, Inc. noong Pebrero 2006.

“Based on the audit of the Commission on Audit (CoA), it was established that respondents allowed WTCI to proceed with the site development, structural, architectural, plumbing and electrical work without the benefit of public bidding, no written contracts and without approved appropriations.”

Natuklasan ng Ombudsman na ang pagpapagawa ng Phase 2 ng CICC, na nagkakahalaga ng P59.6 milyon, ng P307-milyon structural steel works, at iba pang trabaho ay ini-award sa pamamagitan ng negotiated procurement o limited source bidding (LSB).

Sinabi ng Ombudsman na sa ilalim ng Government Procurement Reform Act (RA 9184), hindi nasasaklawan ang LSB dahil ito ay para lamang sa pagbili ng tinatawag na “highly specialized goods” katulad ng “sophisticated defense equipment o kaya’y complex air navigation systems.” (Rommel P. Tabbad)