Mga laro ngayon
Araneta Coliseum
4:15 p.m. Talk ‘N Text vs, Globalport
7 p.m. Star vs. Blackwater
Globalport, sisiguruhin ang 4th spot kontra Talk ‘N Text.
Masiguro ang ikaapat na puwesto na may kaakibat na insentibong twice-to-beat pagpasok ng quarterfinal round ang tatargetin ng Globalport sa kanilang pagsagupa sa Talk ‘N Text sa unang laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2016 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Nasa ikaapat na posisyon taglay ang barahang 7-3, panalo-talo, sisikapin ng Batang Pier na mapahaba pa ang naitalang franchise longest winning streak hanggang limang sunod na panalo upang matiyak ang pagtatapos na pang-apat sa elimination round at makamit ang twice-to-beat advantage sa playoffs.
Ang kabiguan naman ay mangangahulugan na bibigyan pa nila ng tsansa ang bumubuntot sa kanilang Barangay Ginebra (6-4) sampu ng katunggaling Tropang Texters (5-4)ng tsansang makahabol at makapuwersa ng playoff match para sa No.4 spot.
Kung magwawagi ang Tropang Texters, aangat ito at papantay sa Kings na siyang makakatunggali nila sa pagtatapos ng elimination round sa Linggo kung saan nakataya naman ang playoff para sa kanila ng Globalport.
Ngunit kung magwawagi ang Batang Pier, kanila na ang pang-apat na puwesto at ang kaakibat nitong insentibo.
Sa tampok na laban, pormal namang makakapasok sa quarterfinals ang aasintahin ng Star sa kanilang pagtutuos ng Blackwater sa tampok na laban ganap na ika-7 ng gabi.
Angat ng isang panalo sa Elite sa taglay na barahang 3-7, ang ikaapat na panalo ay sisiguro ng pag-usad ng Hotshots sa playoff round.
Ngunit sakaling mabigo, bibigyan nila ng malaking pag-asa ang Mahindra (2-8) na makahabol pa sa huling quarterfinals berth.
Naging inconsistent sa kanilang performance ngayong season opener ang Hotshots dahil sa hirap sa kanilang adjustment na sistemang “run-and-gun” ng bagong coach na si Jason Webb mula sa dating “triangle offense” ng pinalitan nitong coach na si Tim Cone.
Katunayan, muling nabigo ang Hotshots sa huling laban nila kontra Barako Bull noong Disyembre 13 sa iskor na 83-101, matapos makabalik sa winning track laban sa Mahindra Enforcers noong Disyembre 6 sa iskor na 104-96.
Sa panig naman ng Elite, nakakuha ng kumpiyansa sa naitalang 116-92, panalo kontra Barako Bull sa kanilang nakaraang laro, sisikapin nilang patuloy na buhayin ang tsansang umusad sa susunod na round. (MARIVIC AWITAN)