Mahigit 100 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang halos 50 bahay sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Nag-panic ang mga residente ng Barangay 108, partikular ang mga nakatira sa panulukan ng Capulong at Imelda Streets, nang magsimula ang sunog dakong 4:36 ng umaga.

Mabilis na kumalat ang apoy sa ibang bahay dahil sa malakas na hangin, ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dahilan upang ideklara ang fifth alarm matapos ang halos 20 minuto.

Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na nagsimula ang sunog sa bahay ng isang “Boy Albay,” umano’y barangay kagawad sa lugar.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi rin ng mga residente na dumalo si Albay sa Simbang Gabi kasama ang kanyang pamilya nang mangyari ang sunog.

Idineklara ng mga bombero na kontrolado na ang sunog dakong 6:07 ng umaga.

Bagamat inaalam pa rin ng awtoridad ang pinagmulan ng sunog, naniniwala ang mga BFP official na bunsod ito ng faulty electrical wiring o ilegal na koneksiyon ng kuryente sa bahay ni Albay. Wala ring naiulat na namatay o nasugatan sa insidente.

Aabot sa P1 milyon halaga ng ari-arian ang natupok sa apoy, ayon sa taya ng arson investigators.

(Argyll Cyrus B. Geducos)