Apat na malalaking dam sa Luzon ang nagsimula nang magpakawala ng tubig upang hindi umapaw dahil sa matinding buhos ng ulan na dala ng bagyong ‘Nona’.

Ayon kay Richard Orendain, hydrologist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), umabot na ang level ng tubig sa Angat Dam sa 213.11 metro dakong 9:00 ng umaga, lagpas sa 212-meter flood season high level water (FSHW) ng pasilidad.

Binuksan ang isang gate ng main water reservoir ng Metro Manila na nasa 0.8 metro ang taas, at nagpakawala ng tubig na 100 cubic meters per second.

Ikinonsidera ni Orendain ang pagpapakawala ng tubig sa Angat Dam na “tolerable low” at hindi ito magdudulot ng pagbaha sa mabababang komunidad.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Kung magbaha man, ito ay bunsod ng malakas na ulan,” dagdag niya. “Mayroon pong nakitang pagtaas ng level ng tubig sa Angat River.”

Nagbukas din ng tig-isang gate ang Ipo Dam sa Bulacan, at Ambuklao at Binga Dam sa Benguet upang mabawasan ang sobrang tubig na mula sa bagyong Nona.

Inihayag din ni Orendain na inilagay din sa “red alert” ang San Roque Dam dahil posible ring buksan ang gate nito dahil sa mataas na water level. (Ellalyn B. De Vera)