Hindi ininda ng isang grupo ng mga operator ng trucking company at customs broker ang matinding ulan dulot ng bagyong ‘Nona’ nang maglunsad ang mga ito ng kilos- protesta laban sa Terminal Appointment Booking System (TABS) na ipinatutupad ng port authorities, kahapon.

Nagpakita ng puwersa ang mga trucker, broker at iba pang stakeholder nang magdemonstrasyon ang mga ito sa tapat ng Manila South Harbor upang batikusin ang pagpapatupad ng TABS.

“TABS, Ibasura! (Junk TABS),” nakasaad sa streamer na bitbit ng mga nagprotesta sa gitna ng buhos ng ulan.

Sinabi ni Mary Zapata, pangulo ng Aduana Business Club, mahigit sa 400 customs broker ang pansamantalang tumigil sa paghahain ng import entries at pagpoproseso ng release papers ng kanilang mga shipment sa Bureau of Customs (BoC).

National

Alice Guo at iba pa, posibleng makasuhan ng 62 counts of money laundering

Ikinadismaya ng grupo ang palpak na pagpapatupad ng TABS ng Asian Terminal, Inc. sa South Harbor dahil sa pagkakaantala sa booking ng mga kargamento.

“Tumatagal ang booking ng dalawa hanggang tatlong araw. Minsan ito ay umaabot pa ng isang linggo,” saad ni Zapata.

“Bakit ba napakahirap makakuha ng slot sa kanila?” tanong niya.

Ang TABS ay isang web-based system kung saan ang mga broker, forwarder, importer at exporter ay pipili ng kanilang time slot para sa delivery at withdrawal ng kanilang shipment. (Raymund F. Antonio)