SA barberyang laging pinagpapagupitan ng kolumnistang ito ay panay ang balitaktakan ng mga barbero at parokyano. Bakit daw kaya biglang-bigla ang pag-imbulog ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa survey sa panguluhan. Bakit bigla niyang naungusan sina Vice Presedent Binay, dating DILG Sec. Mar Roxas at maging si Sen. Grace Poe? Ano kaya ang dahilan?
At sa pagtatalu-talo ng mga naroroon ay lumitaw ang mga dahilan. Isa sa mga narinig ko ay ang walang takot niyang mga pahayag sa media at sa mga pagpupulong. Hindi niya itinatago ang kanyang mga nagawang kasalanan at ikinukumpisal niya sa mga tao. Ang pagpatay, ang pagkakaroon na apat na girlfriend, at ang mabilisang paghatol sa sinumang nakagagawa ng hindi makataong kasalanan.
Alam natin ang pagpatay ay hindi lihim pagdating sa pulitika pero ang pagpatay ni Duterte ay hindi dahil sa pulitika kung hindi para lipulin ang mga masasama.
Hindi lingid sa atin ang balitang gun-for-hire. Mga mamamatay-tao na binabayaran ng mga tiwaling pulitiko para iligpit ang kanilang mga kalaban. Karaniwang nangyayari iyan, pero inililihim ng may pakana. Nagmamalinis, nagsisimba, nag-aabuloy sa simbahan, nakikipagkaibigan sa mga pari at tinatawag pang mga kagalang-galang.
Si Duterte ay umamin at nangungumpisal. At ano ba ang gusto ng mga Pinoy, ang mga taong pumapatay ngunit inililihim o ang pumapatay na umaamin?
Sa ating bansa, kung ang lahat ng may kasalanan at may nagawang labag sa batas ay pararaanin mo sa husgado, buhul-buhol na ang balbas natin sa baba ay wala pa tayong makukuhang katarungan. May nahahatulan nga pero kapag may koneksiyon ay nagbubuhay-hari sa loob ng kulungan. Kaya dapat sa mga iyan ay talagang tinatapos na, wala rin namang parusang bitay sa ‘Pinas. Kung pananatilihin mong buhay ang mga iyan, ang problema ay magpapatuloy at lalong lalala.
Sa pagiging babaero, sino bang pulitiko dito sa bansa ang iisa ang asawa? Halos lahat ng mga pulitikong iyan ay may kulasisi. Si Duterte ay umaamin, ang iba ay naglilihim. Sino kung gayon ang tama at sino ang mali? (ROD SALNDANAN)