Napanatili ni South African Moruti Mthalane ang kanyang IBO flyweight title matapos niyang talunin sa 9th round TKO si Renz Rosia ng Pilipinas noong Linggo ng gabi sa Olive Convention Centre sa Durban, KwaZulu-Natal, South Africa.
Muntik hindi matuloy ang laban matapos tumanggi ang South African trainer ni Mthalane na si Nick Durant sa $8,000 premyo ni Rosia at nagpakita ito ng nakasukbit na baril sa beywang sa manager ng Pinoy boxer na si Ryan Gabriel na nagbanta na hindi sasampa sa ring ang kasalukuyang WBC International 112 flyweight champion.
Dinominahan ni Mthalane ang kabuuang siyam na round sa mahigpit na depensa at matutulis na jabs kaya nagpasya si Gabriel na huwag nang patayuin sa 10th round si Rosia na mahihirapang manalo sa puntos at may nararamdanang takot sa banta sa kanilang buhay.
Natamo ni Mthalane ang bakanteng IBO flyweight title nang talunin sa kontrobersiyal na 12-round split decision ang Pinoy boxer ding si Jether Oliva noong Marso 5, 2014 sa Durban International Convention Center.
Napaganda ni Mthalane ang kanyang rekord sa 32-2-0 win-loss-draw na may 21-panalo sa knockout, samantalang bumagsak ang kartada ni Rosia sa 12-4-0 win-loss-draw na may 6 knockout. (Gilbert Espeña)