SA wakas, matapos ang ilang buwan ng paglilimi, pag-aaral, at negosasyon sa pagitan ng mga bansa, at makaraan ang dalawang linggo ng masusing talakayan sa United Nations Climate Conference sa Paris, France, isang kasunduan ang nilagdaan nitong Sabado, na umani ng standing ovation mula sa mga ministro ng may 195 bansa sa komperensiya.
Tinuldukan ng kasunduan sa Paris ang ilang dekada nang hindi pagkakasundo ng mayayaman at mahihirap na bansa kung paanong sosolusyunan ang mistulang hindi mapigilang pagtaas ng pandaigdigang temperatura, dulot ng pagdami ng emissions ng gases, na karaniwang mula sa mauunlad na bansa, na nagbunsod upang matunaw ang Arctic ice at malubog ang tubig ang mga islang bansa. Dahil din sa pagpapalit ng klima, dumalas at lumakas ang mga bagyo, gaya ng ‘Nona’ na nanalasa sa ating bansa ngayong linggo.
Napagkasunduan sa Paris conference ang target na limitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa 2 degrees Celsius, ngunit inaasam pa rin ang 1.5 degrees na isinusulong ng ilang bansa, kabilang ang Pilipinas. Upang maisakatuparan ito, kailangang simulan ng mundo na tigilan ang paggamit ng fossil fuels – partikular ang coal, petrolyo, at gas – at dagdagan ang paggamit ng renewable energy gaya ng solar at wind power at geothermal energy.
Nagkasundu-sundo ang mayayamang bansa na maglaan ng $100 billion bawat taon upang tulungan ang mga papaunlad na bansa na makatupad sa kani-kanilang layunin na bawasan ang naiaambag nila sa global warming, bagamat hindi ito nasaklaw sa legal na bahagi ng kasunduan sa Paris. Ang iba pang mga bansa ay hinihikayat na kusang umayuda, upang ang mga umuunlad na bansang gaya ng China, ay makatulong mahihirap na bansa.
Limang taon mula ngayon, sa 2020, susuriin ng mga gobyerno ang kani-kanilang programa upang matiyak na maa-update ang mga ito at tuluyang mababawasan ang paglalabas nila ng mga gas na nagdudulot ng polusyon. Buhay ang pag-asa na sa pagsusulong ng renewable energy, sisimulan na ng mundo na itigil ang nakasanayang paggamit ng mga tradisyunal na pinagmumulan ng enerhiyam gaya ng coal, petrolyo, at gas.
Kailangang tukuyin ng Pilipinas ang mga partikular na hakbangin nito bilang kontribusyon sa pangkalahatang pagsisikap na iligtas ang planeta mula sa masamang epekto ng climate change. Kabilang tayo sa mga nangunguna sa paggamit ng geothermal energy at pinagbubuti na rin natin ang ating mga solar at wind power.
Kaya nating mapagtagumpayan ang lahat—hindi bilang biktima ng climate change, gaya ng sinapit ng bansa sa bagyong ‘Yolanda’, ngunit bilang pangunahing gumagamit ng renewable energy, nagsusulong ng mga sistema at paraan na maaari nating maibahagi sa mga bansang may kaparehong sitwasyon sa atin.