IPINAGDIRIWANG ngayon ng mamamayan ng Bhutan ang kanilang ika-108 Pambansang Araw upang gunitain ang paghirang sa unang Druk Gyalpo ng modernong Bhutan. Druk Gyalpo ang orihinal na titulo ng pinuno ng Bhutan; isinalin ito sa lengguwaheng Dzongkha na “Dragon King.”
Si Gongsa Ugyen Wangchuck ang unang Druk Gyalpo na namuno simula 1907 hanggang 1926. Labis ang naging pagsisikap niya upang pagkaisahin ang bansa at matamo ang pagtitiwala ng mamamayan. Noong 1907, si Ugyen Wangchuck, na muling pinag-isa ang bansa, ang napiling maging tagapagmana ng monarkiya ng Bhutan. Hinirang siya noong Disyembre 17, 1907.
Itinatag niya ang House of Wangchuck na namuno sa Bhutan simula nang pag-isahin ito.
Dati ay isang bansang isolated, ipinupursige ngayon ng kaharian ng Bhutan ang decentralization, democratization, at sustainable development ng bansa. Kabilang sa iba pang pandaigdigang samahan, ang Bhutan ay kasapi ng United Nations at ng South Asian Association for Regional Cooperation (SAARC).
Ipinagdiriwang ang National Day sa lahat ng panig ng Bhutan, ngunit ang pangunahing selebrasyon ay idinadaos sa Changlimithang Stadium sa kabiserang siyudad ng Thimphu. Tinatampukan ito ng pagtatalumpati ng Druk Gyalpo na susundan ng prusisyon. Sa prusisyon, pinapasan ang estatwa ni Ugyen Wangchuk upang bigyang-pugay ang unang Dragon King ng Bhutan at ang malayang bansang Bhutanese.
Isang bansa sa solidong lupain ng South Asia, ang Bhutan ay isang kahariang Buddhist sa silangang hangganan ng Himalayas na may tinatayang populasyon na 750,000, ayon sa World Population Review. Ang Bhutan ay lupain ng mga monasteryo at kastilyo at biniyayaan ng dramatikong topograpiya na tinatampukan ng luntiang kapatagan, hanggang sa matatarik na kabundukan at naggagandahang burol.
Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Bhutan, na pinamumunuan ni His Majesty, King Jigme Thinley, sa pagdiriwang nila ang kanilang Pambansang Araw.