Tahimik na binuo at nakumpleto ng Department of Science and Technology (DoST) ang isang Hybrid Electric Train (PHET) para sa Philippine National Railways (PNR).

Ang PHET ay isa sa tatlong inialok na solusyon ng DoST upang maresolba ang pangangailangan sa transportasyon ng mga Pilipino.

Nabunyag sa impormasyon mula sa DoST na pinangunahan nina Secretary Mario Go Montejo at ng mga opisyal ng Metals Industry Research and Development Center (MIRDC) sa pamumuno ni Assistant Secretary Robert Dizon ang planong ipakilala ang PHET sa Enero ng susunod na taon.

Sinimulan ng mga engineer mula sa DoST-MIRDC ang pagdebelop ng PHET maraming taon na ang nakalipas sa layuning makatulong sa kasalukuyang operasyon ng PNR “by raising its efficiency while lessening the production and operational cost.”

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinabi ng DoST na ang prototype train set (PHET) ay may limang bagon.

Ang bawat isa sa apat na bagon ay kayang magsakay ng 192 pasahero at crash load na 247 pasahero. Samantala, ang ikalimang bagon ay magsisilbing power coach na may diesel-generator set, battery, at rectifier.

Sinabi ng DoST na ang “coaches have been fabricated and completely assembled locally” ng MIRDC at Fil-Asia, isang local bus-body manufacturer noong Marso 2015 sa PNR Caloocan Depot. (Edd K. Usman)