Tinisod ng Hobe Bihon-Cars Unlimited ang Far Eastern University(FEU)-NRMF, 81-76, para maangkin ang kampeonato ng 5th Deleague Basketball Tournement sa ginanap na laro noong Martes ng gabi sa Marikina Sports Center.

Ito ang ikatlong titulo sa loob ng apat na taon para sa Hobe Bihon na nagwagi rin noong 2012 at 2013 ngunit natalo kontra Siargao Legends sa finals noong isang taon.

Lamang ng lima ang Hobe, 78-73, nang tumira ng tres si Leo Avenido para ilapit sa dalawa ang Tamaraws, 76-78, may 27 segundo na lang ang nalalabi sa laban.

Agad na nagbigay ng foul ang Tamaraws para matigil ang oras at isa sa dalawang free throws lamang ang naibuslo ni Roger Yap para umangat ang Hobe, 79-76.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nabigo namang maitabla ng FEU-NRMF ang iskor matapos maagaw ni Yap ang bola kay Wilbert Morales na agad nagbigay ng duty foul kay Yap.

Naipasok ni Yap ang dalawang free throws para itulak sa lima ang kalamangan ng Hobe.

Sa sumunod na play ay sumablay ang three-point shot attempt ni Prinze Eze sa pagtunog ng final buzzer.

“Natutuwa talaga kami at nabawi namin ang championship ng DELeague. Team work lang talaga,” sabi ni coach Braulio Lim ng Hobe Bihon na nagwagi ng P200,000 premyo.

Gumawa ng 16-puntos para sa Hobe si Rodrigue Ebondo na hinirang na Most Valuable Player ng ligang itinataguyod ni Mayor Del De Guzman at sinusuportahan ng PSBank, Accel Sportswear, PCA -Marivalley, Fat Cousins, Angels Burger, Mckies Construction Equipment Sales and Rentals, Luyong Panciteria, Azucar Boulangerie and Patisserie, JAJ Quick Print Advertising, Mall Tile Experts Corporation, Jay Marcelo Tires, Polar Glass and Aluminum Supply at nina Mr. and Mrs. Dot Escalona.

Nakasama naman ni Ebondo sa Mythical Five sina Francis “Kiko”Adriano (Sta. Lucia Land Inc.), Leo Avenido (FEU-NRMF), Prince Eze (FEU-NRMF) at Bon-bon Custodio (Hobe Bihon-Cars Unlimited).

Si Bright Akhuetie ay gumawa ng 17-puntos at 11 rebound para sa Tamaraws na hindi nakalasap ng pagkatalo sa elims at semis at may tangan na twice-to-beat advantage sa finals.

Nagwagi ang Hobe sa unang laro noong Sabado, 72-57.

Gayunman, nakapag-uwi pa rin ng P100,000 gantimpala ang Tamaraws bilang runner-up ng liga. (ANGIE OREDO)