Hihiram ang 2015 Philippine Super Liga Grand Prix champion na Foton Tornadoes ng kinakailangan nitong mga manlalaro upang mapalakas ang bubuuin nitong koponan na magsisilbing kinatawan ng Pilipinas sa paglahok nito sa 2016 Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Club Championships.
Ito ang sinabi ni Foton Tornadoes team manager Alvin Lu matapos ipakilala ang naitulong ng Blue Army, ang samahan ng mga empleyado, pamilya at mga kaibigan ng koponan na naging sikreto nito upang iuwi ang kauna-unahang korona sa natatanging liga sa bansa na PSL.
“When we start, parang walang gustong manood ng mga games namin,” sabi ni Lu. “But noong nanalo na kami sa semifinals, suddenly, biglang dumami ang request sa tickets, until nabuo ang cheering squad ng koponan na tinawag naming Blue Army, na malaki ang naitulong sa team to win our first championships,” sabi pa ni Lu.
Hindi naman inaasahan ni Lu na kasama sa pagwawagi nito sa titulo ang insentibong nakamit ng Tornadoes, at ito ay ang isuot ang bandila ng Pilipinas sa pagrepresenta nito sa internasyonal na torneo na 2016 AVC Asian Women’s Club na gaganapin dito sa bansa.
“Nagulat talaga ako noong sabihin sa amin during the PSL meeting na kami ang magrerepresent sa Pilipinas,” sabi ni Lu. “Not that ayaw namin, pero ang inisip kasi namin ay Pilipinas na ang aming irerepresent, hindi na lamang basta Foton Tornadoes so we talk to all team owners if we could make or built the possible most strongest team.”
“Hindi naman kami nabigo dahil pumayag ang ibang team ipahiram ang kanilang players, in support of our national cause na maipakita natin ang ating competitiveness and desire to be known again in the volleyball community as one of the powerhouse in the sports,” sabi pa ni Lu.
Inihayag pa ni Lu na agad nilang paghahandaan ang susunod na ikaapat na taon ng PSL kung saan matapos ang unang komperensiya na 2016 All-Filipino ay magkakaroon ng 4-Nation invitational tournament, sunod ang Beach Volley Challenge, ang Philippine Open na tampok ang lahat ng mga tinanghal na kampeon sa iba’tibang liga, ang AVC Asian Womens at ang Grand Prix.
“Balik sila lahat sa training camp sa January 16 in preparation for the 2016 season,” sabi ni Lu. “Medyo mahirap ang campaign next year dahil marami nang conference but that is why we are preparing early,” ayon pa kay Lu.
(ANGIE OREDO)