Isang taon matapos ang serye ng pagsalakay ng awtoridad sa New Bilibid Prisons (NBP) laban sa mga kontrabando at ilegal na aktibidad, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagpapatuloy pa rin ang operasyong kriminal ng ilang bilanggo kaya nabubuhay ang mga ito nang marangya kahit nakapiit.

Ito ang kinumpirma ng mga opisyal ng NBI matapos mapatay ng mga tauhan nito ang isang pinaghihinalaang miyembro ng Chinese drug syndicate at maaresto ang dalawang kakutsaba nito sa operasyon sa SM Mall of Asia (MoA) sa Pasay City kamakailan.

Sinabi ng isang NBI insider, na tumangging magpabanggit ng pangalan sa isyu ng seguridad, na isang Chinese drug lord ang tumatayong financier ng napatay na suspek sa pagbili ng droga mula sa isa pang grupo ng drug dealer.

Tumanggi ring tukuyin ng source ang pagkakakilanlan ng naturang Chinese drug financier.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Ang claim nya is ‘yung mga Chinese sa Bilibid ang nagre-release ng pera para sa droga. Bale ‘yun daw ang naisip na type of transaksiyon ng sindikato,” ayon sa NBI source.

Gamit ang cell phone na naipuslit niya sa NBP, sinabi ng NBI insider na aatasan ng Chinese drug lord ang kanyang mga galamay sa labas ng Bilibid na ideposito ang bayad sa mga drogang kanyang binili.

Subalit hindi tulad ng regular na transaksiyon sa droga, na nakikipagtagpo ang nagbebenta ng droga sa isang lugar, ipinaliwanag ng NBI agent na ginagawa nila ang transaksiyon sa loob ng shopping mall upang hindi matiktikan ng awtoridad.

Aniya, iiwan ng seller ang droga na inilagay nito sa isang kahon ng prutas o plastic bag sa loob ng mall, partikular sa package counter.

Pagkatapos ay magtutungo ang seller sa palikuran at iiwan ang claim stub sa isang tangke ng tubig bago magpadala ng text message sa buyer upang kunin ang claim stub na pantubos sa kontrabando. (Leonard D. Postrado)