Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na pagsapit ng Enero 8, 2016 ay hindi na maaari pang baguhin ang listahan ng mga kandidato para sa May 9, 2016 national and local elections.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, hindi na nila papayagan ang anumang pagbabago sa official ballot dahil ang pag-iimprenta nito ay nakatakda na sa ikatlo o ikaapat na linggo ng Enero.
Dapat sana ay maglalabas ang Comelec ng listahan ng mga kandidato nitong Disyembre 15 ngunit hindi ito natuloy.
Ipinaliwanag ni Bautista na marami pang apela ang nakabinbin sa kanilang tanggapan kaya’t hindi pa sila nakapaglabas ng opisyal na listahan.
Ilan sa mga kasong tinatalakay ngayon ng Comelec ay ang disqualification cases nina Senator Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Target ng Comelec na makapaglabas ng inisyal na listahan ng mga kandidato sa Disyembre 23. (Mary Ann Santiago)