Isa pang bagyo ang papasok ngayong Huwebes sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kahit hindi pa lumalabas ng bansa ang bagyong ‘Nona.’
Samantala, umabot na apat na katao ang patay sa pananalasa ng bagyong ‘Nona,’ ayon sa opisyal na talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na huling namataan ang nabanggit na sama ng panahon sa Pacific Ocean sa layong 1,425 kilometro, silangan-timog silangan ng Mindanao.
Sa pagtaya ng PAGASA, tumatahak sa mababang direksyon ang bagyo na posibleng mag-landfall sa Eastern Mindanao.
Gayunman, kapag bahagya itong tumaas ay maaari itong tumama sa Eastern Visayas sa susunod na linggo.
Kapag tuluyan itong nakapasok sa Pilipinas, tatawagin itong bagyong ‘Onyok.’
Nagbabala rin ang ahensiya na hanggang ngayon pa mararanasan ang mga pag-ulan sa ilang parte ng Southern Luzon, kabilang na ang Metro Manila dahil sa epekto ng bagyong ‘Nona.’
Huling namataan ang bagyong Nona sa layong 125 kilometro sa hilagang kanluran ng Calapan City, Oriental Mindoro.
Isinailalim pa rin sa signal No. 3 ang Northern Occidental Mindoro kabilang na ang Lubang Island.
Itinaas naman sa signal No. 2 ang Bataan, Batangas, Cavite, Northern Oriental Mindoro at ilang bahagi ng Occidental Mindoro habang nasa signal No. 1 naman ang Metro Manila, Pampanga, Southern Zambales, Bulacan, Laguna, Calamian at nalalabing bahagi ng Oriental Mindoro.
Paliwanag ng PAGASA, kung hindi magbabago ng direksyon ay lalabas na ng PAR ang bagyong Nona bukas.
(Rommel Tabbad at Fer Taboy)