ZAMBOANGA CITY – Isinailalim ng National Intelligence Board, Special Monitoring Committee ang pitong siyudad, kabilang ang Zamboanga City, at walong lalawigan sa Mindanao at Visayas sa “terrorist threat level III”, isang mataas na antas ng terrorism threat.

Naniniwala si Zamboanga City Police Office Director Senior Supt. Angelito Casimiro na isinailalim ng National Intelligence Board Monitoring Committee ang siyudad sa alert level III dahil malapit ito sa Basilan at Sulu, na parehong balwarte ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Ipinaliwanag ni Casimiro na ang “terrorist threat level III” ay mataas na terrorism threat level dahil sa mga ulat tungkol sa presensiya ng Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na tumitiyempo lang upang maglunsad ng mga pambobomba at magsagawa ng kidnap-for-ransom sa lugar.

Sinabi ni Casimiro na bukod sa Zamboanga City, isinailalim din sa alert level III ang Palawan, ilang lugar sa Boracay, katimugang bahagi ng Negros Island, Isabela City, Marawi City, Kidapawan City, mga lungsod ng Dipolog at Dapitan, Cotabato City, ilang munisipalidad sa Sultan Kudarat, gayundin ang mga probinsiya ng North Cotabato at Maguindanao, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Ayon kay Casimiro, pinaigting na ng pulisya ang intelligence operations sa siyudad.

Samantala, sa Sulu, inatake ng hindi natukoy na bilang ng Abu Sayyaf ang headquarters ng 32nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Bun-Bun sa Patikul, dakong 8:00 ng gabi nitong Martes.

Nagkaroon ng engkuwentro, ngunit wala pang report kung may nasugatan o nasawi sa panig ng militar.

Umaga nang araw na iyon, dakong 5:00, nang magkaroon ng sagupaan sa pagitan ng militar at Abu Sayyaf sa Barangay Makalang sa Al Barka, Basilan, na nagresulta sa pagkamatay ng 13 miyembro ng ASG at dalawang sundalo.

(NONOY E. LACSON)