IBINASURA ng Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa kakulangan ng ebidensiya ang kasong kriminal na isinampa laban kay Vina Morales ng isang kostumer na umano’y nagtamo ng injuries matapos mag-avail ng hair color rejuvenation treatment sa Ystilo Salon ng singer-actress.

Bukod kay Vina (Sharon Magdayao ang tunay na pangalan), inabsuwelto rin sa mga kaso ng physical injuries sina Laura Lopez at Sandy delos Santos, manager at cashier ng Ystilo Salon sa SM Fairview sa Quezon City.

Gayunman, sa limang-pahinang resolusyon ay inirekomenda ni Assistant City Prosecutor Ronald Torralba ang paghahain ng reckless imprudence resulting in serious physical injuries laban sa mga empleyado ng salon na si Jovinal Digan, Christina Lubang, at Wendolyn Catacutan, na gumawa sa nasabing treatment sa buhok ng complainant na si Christine Crisostomo.

Ang nasabing mga kaso laban kina Digan, Lubang, at Catacutan ay ihahain sa QC Metropolitan Trial Court.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ni Crisostomo na Enero 10, 2015 nang magtungo siya sa Ystilo Salon sa SM Fairview para magpakulot ng buhok.

Kuwento niya, sinabihan siya ng isa sa mga empleyado ng salon na may on-going promo para sa hair color rejuvenation na nagkakahalaga ng P1,500, at in-avail niya ito.

Habang isinasagawa ang hair treatment, sinabi ni Crisostomo na nakaramdam siya ng pangangati ng anit ngunit binalewala niya ito at inisip na normal na reaksiyon lamang ito ng kanyang anit sa kemikal.

Nang makauwi na, sinabi ni Crisostomo na labis ang pananakit ng kanyang anit at tumindi rin ang pangangati, kaya naligo na lang siya at natulog pagkatapos. 

Ngunit mas tumindi pa, aniya, ang pangangati ng kanyang anit kinabukasan hanggang mapansin niya ang pamumula ng kaliwang bahagi ng kanyang ulo at batok, kaya namang uminom siya ng gamot.

Noong Enero 12, 2015, nagising si Crisostomo na namamanhid at basa ang kanyang ulo at nang suriin ng kanyang ina at nadiskubreng may mga paltos at namumula ang kanyang anit.

Nagtungo si Crisostomo sa ospital para magpasuri bago bumalik sa Ystilo para iulat ang insidente, at iginiit ng salon na magpasuri siya sa branch sa Ortigas dahil naroon ang resident dermatologist ng establisimyento.

Matapos ipilit na sa isang derma clinic sa SM Fairview na lang siya magpapasuri, na-diagnose ni Dr. Blesilda Tan ng Dermatology Center for Asia na nairita ang kanyang anit sa cream/hair color solution na inilagay sa kanyang buhok.

Gayunman, lumala ang kondisyon ni Crisostomo noong Enero 13, hanggang nalugas na ang kanyang buhok at tumindi ang pamumula ng kanyang anit. Sa kanyang pagkonsulta sa sarili niyang dermatologist, binibigyan siya ngayon ng steroids at antihistamine.

Sa pagbasura sa kaso laban kina Vina at Delos Santos, sinabi ni Assistant City Prosecutor Torralba na wala ang dalawa sa establisimyento nang gawin ang treatment kaya walang direktang partisipasyon ang mga ito sa insidente.

Sinabi rin ni Torralba na nabigo sina Digan, Lubang, at Catacutan na magsagawa ng allergic reaction test bago isinagawa ang treatment kay Crisostomo at isa iyong kapabayaan. (CHITO A. CHAVEZ)