piolo copy

TINANONG namin si Atty. Joji Alonzo, isa sa producers ng #Walang Forever, sa presscon ng kanilang MMFF entry kung ano ang kanyang dream project.

Hinahangaan ng entertainment industry si Atty. Joji dahil siya lang ang indie producer na kumita ng mahigit P100M (English Only, Please) at siya rin ang nakakita sa big potential ng Heneral Luna kaya ang kumpanya niya ang nag-release nito.

“Gusto kong i-cast sina Jennylyn at Piolo (Pascual),” sagot ni Atty. Joji sa amin.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Bago pa pala niya naisip si JM de Guzman, na pinalitan ni Jericho Rosales, para sa #Walang Forever, ay si Piolo na ang gusto niyang kunin. Pero, “When I learned that he has a soap, impossible ‘yun kaya hindi ko na pinursue.”

Pero umaasa pa rin siya na darating ang araw na matutupad ang Piolo-Jennylyn movie.

Biniro namin si Atty. Joji na ka-level na niya ang Star Cinema at Viva Films dahil kahit independent producer siya ay dalawa ang entry niya ngayong 2015 Metro Manila Film Festival, ang #Walang Forever nga at ang Buy Now, Die Later nina Alex Gonzaga, Markki Stroem, Lotlot de Leon, Janine Gutierrez, TJ Trinidad, John Lapus at Vhong Navarro mula sa direksiyon ni Randolf Longjas.

“Walang magawa, eh, pasensiya na,” nagbibirong sabi niya. “Nag-submit lang naman kami ng script, hindi naman namin ini-expect na (parehong maa-approve), kasi either of the two kung alin ‘yung matatanggap, nu’ng in-announce, oh, my God, dalawa.

“Nalungkot ako or kinabahan ako kasi ang pressure to finish two films. Natutuwa ako at the same time, kasi nabibigyan ng chance ‘yung mga alternative na stories na iniisip namin, ‘yun bang kayang-kayang abutin ng masa pero ibang storytelling.

“Wala akong ini-expect naman. Like sa English Only, Please, I never expected naman anything, in fact first day, second day and third day namin, waley (zero sa takilya), ha-ha-ha.

“Pero nu’ng nanalo ‘yung pelikula talagang wala na, angat na angat na. So, hayun, naka-P165M kami.”

Hindi itinanggi ng lady producer na napakalaki talaga ng kinita ng English Only, Please dahil maliit lang ang puhunan kung ikukumpara sa #Walang Forever na P26M at sa Buy Now, Die Later na umabot naman ng P23M.

So, mas gusto na lang ba niyang mag-produce kaysa nakikipagtalo sa korte?

“Hindi naman, law practice pa rin ang bread and butter ko, ang dami ko ngang kaso ngayon, eh,” natawang sagot sa amin.

So, pangtanggal ng stress niya ang pagpo-produce ng pelikula?

“Hindi, stressful din ito, ha-ha-ha. Stressful din ito, to meet the deadlines kasi ‘pag MMFF, di ba, wala ka namang ibang playdate, hindi mo puwedeng ilipat, so stress galore.”

Bakit mas mahal ang #Walang Forever kumpara sa Buy Now, Die Later?

“Mas malaki ito (Walang Forever), kasi nag-Taiwan shoot kami dahil doon based si Echo (OFW) at inabot kami ng two days lang naman pero the expenses, di ba, bringing people there, hiring people there, mas mahal,” paliwanag ni Atty. Joji.

Kaya sa mga natuwa sa English Only, Please, may bagong kuwentong pag-ibig tayong aabangan, ang #Walang Forever. Sa mahihilig namang takutin ang sarili, panoorin ang Buy Now, Die Later. Sa December 25 na. (Reggee Bonoan)