SA mga bayan at siyudad sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ngayong araw, gigising ang mga Pilipino nang madaling araw para dumalo sa una sa siyam na misa—ang Simbang Gabi—na magtatapos sa Pasko.
Isa itong magandang tradisyon na nagsimula noong 1565 nang ipagdiwang ni Miguel Lopez de Legazpi ang unang Feast of the Nativity sa mga islang natuklasan ni Magellan noong 1521. Ipinag-utos ni Pope Sixtus V na siyam na misa na idaraos ng madaling araw simula sa Disyembre 16 ang gagawin sa Pilipinas para sa siyam na araw na kapistahan ng mga Pilipino alinsunod sa pagdiriwang ng Simbahan. Upang makatupad ang mga magsasaka na nagsisipagtrabaho na sa kani-kanilang sakahan bago pumutok ang araw, itinakda ang misa sa ganap na 4:00 ng umaga.
Ang Simbang Gabi—Misas de Aguinaldo sa simbahan ng mga kapistahan sa Simbahan, dahil misa ng pasasalamat ang mga ito—ay nauugnay sa kulturang Pilipino sa opisyal na pagsisimula ng Pasko sa bansa. Ang pagpapatugtog ng mga awiting Pamasko sa mga radyo at telebisyon ay posibleng magsimula sa unang araw ng Setyembre, at ang unang Linggo ng Adbiyento ay ipinagdiriwang sa liturhiya ng Simbahan tuwing Nobyembre, ngunit sa unang araw ng Simbang Gabi tuwing Disyembre 16 dumadagsa ang maraming Pilipino para dumalo sa misa ng madaling araw sa mga simbahan sa bansa.
Bagamat nagsimula sa misa sa labas para sa mga magsasaka na kailangang magsaka sa umaga, tinanggap na ng mga Pilipino ang oras ng Simbang Gabi. Upang mapagbigyan ang may magkakaibang oras ng trabaho, ang mga misang “anticipated” ay ginaganap na tuwing 8:00 ng gabi sa ilang simbahan. Ang mga Pilipino sa Amerika, Canada, Austria, Singapore, at iba pang siyudad sa mundo na maraming komunidad ng mga Pinoy, ay nagpatuloy ng tradisyon ng Simbang Gabi sa mga misa na karaniwang idinadaos sa gabi.
Ang siyam na araw ng misa ay magtatapos sa pinal na Christmas Eve Mass sa Disyembre 24—ang Misa del Gallo o Misa de los Pastores. Sa huling misa na ito, nakaka-relate ang mga modernong Kristiyano sa mga unang Kristiyano ng Jerusalem na sama-samang nagsipagdasal nang hatinggabi sa Bethlehem, na sinundan ng prusisyon hanggang makarating sila sa Jerusalem bago mag-umaga.
Nagpapatuloy ang Pasko sa Pilipinas hanggang sa Kapistahan ng Tatlong Hari sa unang Linggo matapos ang Bagong Taon—Enero 3, 2016. Sa mga susunod na linggo, patuloy na magpapakaabala ang mga Pilipino sa kanilang buhay sa lipunan, pulitika, at ekonomiya, at posibleng pati na rin sa mga desisyon ng gobyerno sa mga usaping laban sa ilan sa mga pangunahing kandidato sa pagkapangulo. Ngunit umaasa tayong higit pa sa mga usaping ito na nakasasalay na sa mga ahensiya ng gobyerno na gaya ng Commission on Elections, pansamantalang titigilan ng mga pulitiko ang mga pag-atake sa isa’t isa kaugnay ng eleksiyon.
Pasko na at ngayon ang unang araw ng Simbang Gabi. Masisiyahan ang mga Pilipino kung pansamantala silang mamamahinga sa masalimuot na kampanyahan para sa halalan. Sapat naman ang panahon para diyan pagkatapos ng Enero 3.