Bilang coach ng kampeong Far Eastern University (FEU)-Tamaraws basketball team, binigyan ng contract extension ng pamunuan ng unibersidad bilang “reward” na si Nash Racela.
Sa katatapos pa lamang na UAAP Season 78 men’s basketball tournament kung saan naging kampeon ang FEU-Tamaraws, si Racela ay nagpahayag ng pasasalamat sa tiwalang iginagawad sa kanya ng pamunuan ng eskuwelahan.
Ang pagbibigay ng reward kay Racela ay naganap sa gitna ng mga pangyayari ng kumuha ng ilang “high profile coaches” ang mga katunggaling koponan sa liga bilang preparasyon sa kanilang kampanya sa darating na UAAP Season 79.
“Siyempre, happy ako for the trust that they are showing,” pahayag ni Racela na bukod sa kampeonato ay ginabayan din ang Tamaraws sa dalawang finals appearance magmula ng hawakan niya ang koponan sa lumipas na apat na taon.
Naunang naglabasan ang balitang pahahabain pa ng FEU ang kontrata ni Racela na mayroon na lamang natitirang isang taon sa FEU na inihayag ni FEU Athletic director Mark Molina.
Gayunman, sinabi ni Molina na palilipasin muna nila ang “holiday season” bago nila kausapin si Racela na kahayaan muna aniya nilang makapagdiwang ng Kapaskuhan kasama ng kanyang pamilya.
Kinumpirma naman ito ni Racela.“Wala pa kaming napag-usapan. Siguro after New Year na yun.”
Ang kanyang sistema na bigyan ng pagkakataon at exposure lahat ng talentong mayroon ang kanyang team ang isa sa mga nagustuhan ng pamunuan ng FEU sa istilo ni Racela. (MARIVIC AWITAN)